Inaresto ng mga awtoridad ang tatlong empleyado ng isang manpower agency at ipinadlak ang tanggapan nito sa Quezon City bunsod ng umano’y pagkakasangkot sa illegal recruitment activities.
Nabatid na ang tatlong empleyado ng RCREIGN International Manpower Agency ay dinakip sa isang joint entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group–Anti-Transnational Crime Unit (CIDG-ATCU) at Department of Migrant Workers–Migrant Workers Protection Bureau (DMW-MWPB) nitong Biyernes ng hapon.
Sila ay kasalukuyan nang nakapiit sa CIDG detention facility sa Camp Crame at mahaharap sa kasong syndicated illegal recruitment.
Kasabay nito, ipinasara rin ng DMW, sa pangunguna ni Undersecretary Bernard P. Olalia, ang tanggapan ng RCREIGN, na matatagpuan sa Cubao, Quezon City, dahil sa umano’y panlilinlang sa mga aplikante.
Ayon sa DMW, nag-aalok umano ang ahensiya ng trabaho sa Hong Kong, Qatar, at Greece kapalit ng processing fees na umaabot sa ₱300,000 hanggang ₱375,000, na may pangakong sahod na ₱23,000 hanggang ₱60,000 kada buwan para sa iba’t ibang posisyon tulad ng domestic helper, kitchen assistant, housekeeping staff, at HVAC-related jobs.
Sa imbestigasyon ng DMW-Migrant Workers Protection Bureau (MWPB), natuklasan ang ilegal na operasyon ng RCREIGN sa pamamagitan ng masusing online monitoring sa Facebook at TikTok.
Lumitaw na ginagamit ng ahensiya ang pangalan ng mga lehitimong lisensyadong recruitment agency at nag-aalok pa ng direct hire papuntang Greece at Hong Kong na labag sa umiiral na polisiya ng pamahalaan.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang DMW sa mga biktima ng RCREIGN na makipag-ugnayan sa DMW-MWPB sa Blas F. Ople Building sa Mandaluyong City o sa DMW AIRTIP Facebook page upang makapagsampa ng reklamo.
Muli rin nitong pinaalalahanan ang publiko na maging mapanuri at dumaan lamang sa lisensyado at awtorisadong ahensiya, habang patuloy na pinaiigting ng DMW ang kampanya laban sa illegal recruitment at human trafficking bilang pagtupad sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr..