January 30, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Donasyon para sa 8-taong gulang na cancer warrior, panawagan ng isang pamilya mula Cebu

#BalitaExclusives: Donasyon para sa 8-taong gulang na cancer warrior, panawagan ng isang pamilya mula Cebu
Photo courtesy: Bryan Manatad

Nananawagan ng donasyon ang pamilya ng isang batang kasalukuyan na nakikipaglaban sa cancer, mula sa Cebu City. 

Sa social media post ng tiyahin ng walong taong gulang na si Rhianne, ibinahagi rito na layon nilang makabuo ng ₱3 milyon para sa isasagawang bone marrow transplant. 

Aniya pa, bagama’t agresibo at time-sensitive ang nasabing treatment, kritikal ito para sa survival ni Rhianne mula sa high-risk Acute Myeloid Leukemia (AML). 

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa ama ni Rhianne na si Bryan Manatad, ibinahagi niya na Hunyo 2025 nang unang ma-diagnose si Rhianne ng leukemia, at nag-relapse nitong Enero 2026.

Human-Interest

ALAMIN: Mga lugar sa bahay n'yo na tinatambayan ng mga multo!

“Noong June 2025 po ‘yong diagnosis. Pina-admit namin siya kasi na-diagnose siya ng leukemia. Tapos successful naman, nag-induction kami, ‘yong first cycle, ‘yong papatayin ‘yong cancer cells. Naging successful naman, nag-test kami, wala na,” panimula ni Bryan. 

Saad pa ni Bryan, noong mga panahong ito, nasa “maintenance phase” na lamang ang anak, at kaunti na lang ang dosage ng chemo medicine niya. 

Nagpatuloy raw recovery phase na ito sa loob ng limang buwan. 

Gayunpaman, nito lamang Enero, sa ikalimang buwan ng recovery ni Rhianne, lumabas sa bone marrow test niya na nag-relapse o bumalik ang cancer cells niya, at sa pagkakataon daw na ito, mas resistant at mas malakas ang variant na ito. 

Sa kabila ng mababang blood count sa test results, binanggit ni Bryan na masigla pa rin ang kaniyang anak. Aniya pa, mayroong bagong protocol na isasagawa kay Rhianne para mapatay ang cancer cells sa katawan niya. 

Nang tanungin naman kung kumusta ang pang-araw-araw nilang buhay, ibinahagi ni Bryan na kumpara sa nagdaang taon, malaki raw ang nagbago sa takbo ng buhay nila. 

“Last year ‘yong di pa siya diagnosed, nasa klase lang ‘yong mga bata, tapos ako nagtatrabaho. ‘Yong normal lang,” ani Bryan. 

“Tapos pagka-diagnose niya, ako nawalan ako ng gana magtrabaho. Nag-freelance kasi ako, so nawala ‘yong mga kliyente ko kasi tinutukan ko ‘yong mga bata. ‘Yong kapatid niya na nag-school na starting last year, 2025, hanggang ngayon, 2026, hindi namin natutukan masyado. Nag-focus kami kay Rhianne,” dagdag pa ng ama. 

Dahil sa malaking halaga na kinakailangan mapunan, sinumulan nila Bryan ang donation drive para sa treatment ni Rhianne nito lamang ding Enero, na nakatakdang gawin sa Maynila.

“Noong nalaman namin na need ng malaking funds ‘yong treatment namin sa Manila na aabot ng ₱3 to  ₱ 5 million. Hindi pa kasali ‘yong re-induction. ₱3 to  ₱ 5 million, nag-action na kami agad, nag-fundraising na kami agad,” saad ni Bryan. 

Aniya pa, sinubukan na nilang lumapit sa ilang ahensya ng gobyerno para humingi ng karagdagang-tulong. 

“Sa DSWD, kailangan din nila ng documents na gagawin pero di pa naman nagagawa ‘yong kanila. Wala pa kaming mapakita sa kanila na documents namin, hospital files, bills dito, ‘yong previews pa,” paliwanag ng ama. 

Nang tanungin ang kasalukuyan nang estado ng kanilang donation drive, mayroon naman na raw pumapasok araw-araw kahit kaunti pero malayo pa rin daw ito sa kanilang target amount. 

“Mayroon naman pong pumapasok araw-araw, pero malayo pa rin po ‘yon sa total. Minimum po ‘yong ₱3 million,” saad ni Bryan. 

Dagdag pa niya na walang end date ang nasabing donation drive, ngunit isang buwan ang ibinigay sa kanilang confinement admission para sa re-induction. 

Nilinaw rin niya na para pa lamang sa bone marrow transplant ang nasabing ₱3 milyon. 

“Wala po ‘yong end date. One month daw ‘yong confinement admission ng re-induction. Kailangan namin ng funds para sa araw-araw sa medicine niya, sa lahat ng gastos din. ‘Yong ₱3 million minimum, binase lang namin sa bone marrow transplant niya. Wala pa ‘yong cost doon,” ani Bryan. 

Bilang magulang, binanggit ni Bryan na inspirasyon pa rin nila ang katatagan ni Rhianne, dahil patuloy rin nitong nilalabanan ang sakit niya. 

“Hindi niya pinapakita na may sakit siya, medyo makulit pa rin. Talented siya, smart girl. Gusto pa nga niyang mag-eskwela, pumasok, pero hindi puwede kasi delikado,” masayang saad ng ama.

Bilang mensahe sa mga nagbigay ng kanilang donasyon, lubos na ipinaaabot ni Bryan ang kanilang lubos na pasasalamat. 

“Nagpapasalamat po kami sa mga tumulong, malaking bagay po ‘yon sa amin. Malaking bagay po ‘yan sa amin para sa pang-araw-araw na gamutan, mga pangangailangan ni Rhianne papunta sa Manila. Tapos sa mga gusto pang tumulong, sana magbigay sila ng kahit ano lang na amount na extra. Ano lang po, kung sa bisaya, kinasing-kasing, mula po sa puso,” saad ni Bryan. 

Para naman sa mga katulad niyang magulang na may pinagdadaanan din, hinikayat ni Bryan na patuloy lamang silang maging matatag at patuloy na lumaban, at huwag sukuan ang kanilang anak.

“Sa lahat ng mga magulang, laban lang po tayo. Huwag nating sukuan ang mga anak natin. Dapat makita nila na strong tayo para hindi rin sila maging hopeless,” saad ni Bryan. 

Base sa post ng tiyahin ni Rhianne, narito ang mga detalye na maaaring i-contact at padalhan ng tulong para sa pagpapagamot ni Rhianne. 

001860551538

Name: Bryan Neil Manatad

BDO

09421872066

Bryan Neil Manatad

GCASH

200045111457

Jenny Lyn Manatad

Eastwest Banking Corporation

Gogetfunding

https://gogetfunding.com/help-rhianne-get-bone-marrow.../

Sean Antonio/BALITA