January 29, 2026

Home BALITA Metro

Tulong-pinansyal, ibibigay sa mga empleyadong naapektuhan ng sunog sa isang supermarket sa QC

Tulong-pinansyal, ibibigay sa mga empleyadong naapektuhan ng sunog sa isang supermarket sa QC
Photo courtesy: Joan Bondoc (PNA)

Nakiramay at tiniyak ng Quezon City local government unit (LGU) ang mga empleyado ng nasunog na members-only supermarket kamakailan, na sila’y mabibigyan ng tulong-pinansyal. 

Sa pahayag ng QC LGU sa social media nila nitong Huwebes, Enero 29, kinilala nito ang malawakang pinsala na naging dulot ng naganap na sunog sa Landers Supermarket Fairview noong Miyerkules, Enero 28. 

Anila, kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa pamunuan ng nasabing supermarket upang tukuyin kung saan pa sila maaaring makatulong. 

Bilang agarang-tugon, tiniyak ng QC LGU na bibigyan nila ng tulong-pinansyal ang mga empleyado ng supermarket, sa ilalim ng programang “Alagang QC.” 

Metro

Paldo sa toma? Volunteer firefighters na nanguha ng alak sa nasunog na supermarket, lagot sa BFP!

Binanggit din ng QC LGU na tutulong sila sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa umano’y isyu ng pagnanakaw sa supermarket.

Sa kabilang banda, base sa inilabas na pahayag ng Landers Superstore noon ding Enero 28, pansamantala muna nilang isasara ang kanilang Fairview branch. 

Ayon sa ilan pang ulat, nagsimula ang pagkatupok ng establisyimiento bandang 4:44 ng madaling-araw noon ding Enero 28, at agad itong umabot sa ikalimang alarma banda 5:16 ng madaling-araw. 

Ang nasabing pagtupok ng apoy ay naapula na bandang 8:01 ng umaga. 

Sean Antonio/BALITA