Tila hindi itinanggi ni Executive Secretary Ralph Recto na mukha raw nabawasan ang timbang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., dahil sa umano’y palagay niyang paghigop lang nito ng sabaw sa loob ng tatlo (3) hanggang limang (5) araw at papayat daw kahit sino naman ang gumawa nito.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, bumwelta sa bashers: 'Sumobra pagka-excited n'yo, andito pa 'ko!'
Ayon sa naging pahayag ni Recto sa media habang nasa Camp Crame nitong Huwebes, Enero 29, kinumpirma niyang maayos na ang kalagayan ng Pangulo base na rin daw sa isinapubliko nitong video sa social media noong gabi ng Miyerkules, Enero 28, 2026.
“Yes, maayos naman ang Presidente,” pagsisimula niya, “Palagay ko, napanood naman ninyo at maraming trabaho ngayon ‘yun [PBBM] specially sa paper works.”
Dagdag pa niya, “Maraming kailangang pirmahan, maraming kailangang basahin.”
Ani Recto, ipinayo sa Pangulo ng mga doktor niya ang magpahinga sa loob ng isang linggo.
“Ang sabi ng kaniyang mga doktor, magpahinga ng isang linggo,” aniya.
Pagkukuwento naman Recto, tila mukha raw pumayat si PBBM dahil na rin sa paghigop nito ng sabaw sa loob ng tatlo (3) hanggang limang (5) araw.
“Looks like at palagay ko naman kung kayong lahat ay kumain lang ng sabaw nang tatlo, apat, o limang araw ay talagang papayat ‘yan [PBBM],” pagbabahagi niya.
Samantala, hindi naman nakumpirma ni Recto kung ano ang kasalukuyan nang timbang ng Pangulo.
“Hindi ko po alam,” pagtatapos niya.
Kaugnay nito, matatandaang nilinaw ni PBBM na patuloy siyang gumaganap ng kanyang tungkulin sa kabila ng kanyang naging kondisyon sa kalusugan matapos siyang ma-diagnose ng “diverticulitis.”
MAKI-BALITA: PBBM, bumwelta sa bashers: 'Sumobra pagka-excited n'yo, andito pa 'ko!'
Sa kaniyang video na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO) noong Miyerkules, Enero 28, 2026, pinawi ng Pangulo ang pangamba ng publiko kaugnay sa kanyang kalusugan at iginiit na maayos ang takbo ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, ayon kay Marcos, balik na siya sa normal na trabaho habang patuloy na sinusunod ang payo ng kanyang mga doktor upang tuluyang makarekober.
MAKI-BALITA: 'Katawan niya naman po 'yon!' Castro, sinabing 'mas reliable' si PBBM kaugnay sa nararamdaman niya
MAKI-BALITA: Unang pagpupulong sa impeachment complaint vs PBBM, ikakasa na sa Peb 2!
Mc Vincent Mirabuna/Balita