Tila sang-ayon ang writer at dating komisyuner ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na si Jerry Grácio sa mga naging pahayag ng social media personality na si Toni Fowler, patungkol sa salitang "puke" at iba pang mga salita sa wikang Tagalog, na tila ba nagiging "bastos" kapag hayagang ginagamit sa pang-araw-araw na pakikipagtalastasan.
Napasabak kasi si Toni sa episode 1 ng "Rated R" podcast ni ABS-CBN journalist Rico Hizon, na mapapanood sa YouTube channel ng ABS-CBN News, at inupload noong Miyerkules, Enero 28.
Umikot ang kuwentuhan nina Rico at Toni sa pagiging "totoong tao" ni Toni at imahe niya sa industriya, na walang filter pagdating sa mga bagay na ipinakikita niya sa social media.
Isa sa mga natanong sa kaniya ni Rico ay paano niya tinatanggap ang mga ibinabato sa kaniya ng mga netizen, partikular ng mga basher, na "bastos" siya.
"Tanggap lang" sey ni Toni.
"Kung 'yon po ang sa tingin nila bastos 'yon, wala naman tayong magagawa. Kasi for example sabihin ko puke, bastos po ba 'yon? Eh parte 'yon ng katawan ng isang babae," walang kiyemeng sabi ni Toni.
"Yes, yes," natatawang sabi ni Rico. "Oo nga no?"
"Pero pag sinabi mo ang babae na vagina, 'Ay hindi bastos 'yong sinabi ni Toni.' So, hindi ko maintindihan kung bakit nagiging bastos ang isang Tagalog na salita."
Iginiit ni Rico na iyon daw ay nasa ilalim ng Biology.
"Yes, kaya 'yong sinabi ko pong ang 'Puke ko ay tahi,' that's true. Kasi mommy na eh. Alam n'yo po ba 'yong ang puke ko ay may tahi, Tito Rico?" tanong ni Toni sa mamamahayag.
"Yes, yes, nakakaintindi ako ng Tagalog," tumatango-tangong sabi ni Rico. "It's the reality!"
Paliwanag pa ni Toni, depende raw iyon sa "POV" o interpretasyon ng isang tao kung ite-take niyang bastos o hindi.
"Para kasi sa akin hindi 'yon bastos, iyon ay parte ng katawan," paliwanag pa ng social media personality.
Hinamon naman ni Toni na banggitin ni Rico ang salitang "puke" na ikinatawa naman niya at pati na ng production team ng podcast.
Kaugnay na Balita: 'Sabihin ko p*ke, bastos ba 'yon?' Toni Fowler, di gets bakit nagiging 'bastos' mga salitang Tagalog
Samantala, sa pamamagitan ng Facebook post, nagbigay naman ng reaksiyon tungkol dito si Grácio.
Aniya, "Tama si Toni Fowler. Hindi bastos ang puke. Ang puke ay puke, buray, antak, bilat, fuki, kiki, puday sa ating mga katutubong wika. Nag-iiba ba ang kahulugan kapag sinabing vagina? Hindi, puke pa rin siya. Mas hindi ba bastos ang vagina kaysa kiki? Hindi dahil paano magiging bastos ang isang bahagi ng katawan? Hindi totoong may mga angkop na termino para sa formal, balbal, at siyentipikong pangangailangan. Ang puke ay puke pormal man o informal. Ang puke ay puke sa balbal man o sa agham. Kailangan nating tukuyin ang puke bilang puke dahil hindi siya flower. Puki siya."
Photo courtesy: Screenshot from Jerry Grácio/FB
Sa isa pang Facebook post, tinawag ni Grácio na "chair ng Komisyon sa Wikang Filipino" si Mommy Oni.
"Mami Oni as chair of the Komisyon sa Wikang Filipino, baka umayos pa 'yung KWF," aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Jerry Grácio/FB
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Toni tungkol dito.