Nagpadala na ang pamahalaan ng Pilipinas ng isang liaison officer sa Cambodia kaugnay ng ulat na naroon umano ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nitong Huwebes, Enero 29, 2026.
“Cambodia, nandoon na yung liaison natin. Dito, in the last 20 days, 18 sites na ang ni-raid natin, all negative. But his world is getting smaller, paliit nang paliit iyan,” pahayag ni Remulla sa mga mamamahayag.
Dagdag pa niya, “Kung nasa Cambodia 'yan, may extradition tayo, makukuha natin siya.”
Nag-alok din ang pamahalaan ng ₱10 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong magtuturo sa kinaroroonan ni Ang. Nauna nang sinabi ni Remulla na may natanggap silang paunang impormasyon na posibleng nasa Cambodia ang negosyante.
“May information na nasa Cambodia. But that’s raw information… Kasi nag-set up siya ng online sabong sa Cambodia,” ani Remulla sa isang panayam sa Dobol B TV.
Naglabas na ng mga arrest warrant laban kay Ang at sa iba pang indibidwal kaugnay ng maraming bilang ng kasong kidnapping with homicide at kidnapping and serious illegal detention na may kaugnayan sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Humiling na rin ang mga awtoridad ng Pilipinas ng paglalabas ng Interpol red notice laban kay Ang.
Ayon sa Interpol, ang red notice ay isang kahilingan sa mga law enforcement agency sa buong mundo upang matunton at pansamantalang arestuhin ang isang indibidwal habang hinihintay ang extradition o kaugnay na legal na aksyon. Nasa kapasyahan pa rin ng bawat miyembrong bansa ang pag-aresto batay sa kani-kanilang batas.
Matatandaang mariing itinanggi ng kampo ni Ang ang mga paratang laban sa kaniya. Samantala, inilarawan ng kaniyang abogado na si Atty. Gabriel Villareal ang inilabas na arrest warrant ng korte sa Laguna bilang “premature” at “legally questionable.”
“Clearly, the court merely acted on the incomplete and one-sided information provided by the Department of Justice (DOJ) in its determination of probable cause, without having even seen the counter affidavits and exculpatory evidence of the respondents, including that of Mr. Ang,” ayon kay Villareal.