January 29, 2026

Home BALITA Metro

Panaderong naipit ang braso sa makinang pangmasa, nabalian ng buto!

Panaderong naipit ang braso sa makinang pangmasa, nabalian ng buto!
Photo courtesy: screengrab contributed video

Isang 21-anyos na panadero ang nagtamo ng bali at matinding pinsala matapos maipit ang kaniyang kaliwang braso sa makinang ginagamit sa pagmamasa ng tinapay sa Maricaban, Pasay.

Ayon sa mga ulat, nagtatrabaho ang biktima sa isang panaderya sa Barangay 179 nang mangyari ang insidente. Agad siyang tinulungan ng mga tauhan ng Emergency Medical Services Team ng Bureau of Fire Protection (BFP) Pasay.

Sinabi ng BFP na una nilang inakala na simpleng pagkaipit lamang ang nangyari, subalit nang makita ang aktuwal na kalagayan ng biktima na ang braso ay naipit sa dough roller machine, kinailangan ang tulong ng karagdagang EMS personnel.

Gumamit ang mga rumespondeng bumbero ng hydraulic cutter upang ligtas na matanggal ang braso ng panadero mula sa makina habang maingat itong inaangat.

Metro

Paldo sa toma? Volunteer firefighters na nanguha ng alak sa nasunog na supermarket, lagot sa BFP!

Ayon kay Fire Officer 3 Rowena Manlabao, Emergency Medical Services Team Leader ng BFP Pasay, nakitaan ng deformity ang braso ng biktima at labis ang kaniyang nararanasang sakit, bukod pa sa matinding pagdurugo na kinailangang agad na makontrol bago siya dalhin sa ospital.

Batay sa paunang imbestigasyon, katatapos lamang umanong magmasa ng dough ng panadero at lilinisin sana ang makina nang mangyari ang aksidente. Nakabukas pa ang dough roller machine nang oras na iyon, dahilan upang aksidenteng maipit ang kaniyang kaliwang braso.

Sinabi ng barangay na maaaring managot ang may-ari ng panaderya kung mapapatunayang walang sapat na safety feature, gaya ng machine guard, ang ginamit na makina. Bukas din ang barangay sa posibilidad ng paghahain ng reklamo ng biktima laban sa panaderya.

Samantala, tumanggi ang may-ari ng panaderya na humarap sa media ngunit tiniyak na sasagutin nila ang gastusin sa pagpapagamot ng panadero na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.