Hindi umano palalagpasin ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga kumakalat na akusasyong may ilang volunteer firefighter na umano’y nagnakaw ng mga panindang alak mula sa natupok na supermarket sa Brgy. Pasong Putik, North Fairview, Quezon City noong madaling-araw ng Miyerkules, Enero 28.
Nagsimula ang pagkatupok ng establisyimiento bandang 4:44 ng madaling-araw, at agad na umabot sa ikalimang alarma bandang 5:16 ng madaling-araw.
Ganap na naapula ang apoy bandang 8:01 ng umaga.
Batay sa mga ulat, sinabi ni BFP spokesperson Fire Superintendent Anthony Arroyo na nakatanggap umano sila ng report na habang abala umano ang mga responder sa pag-apula ng sunog at post-incident mapping, ilang volunteers umano ang nanguha ng mga bote ng alak.
Binigyang-diin naman ni Arroyo na wala umanong palatandaang ang mga sangkot ay opisyal na tauhan ng BFP. Aniya, magsasagawa sila ng masusing imbestigasyon upang matukoy kung totoo bang nangupit ng mga bote ng alak ang ilang volunteer firefighters.
Umabot sa humigit-kumulang 30 grupo ng volunteer firefighter ang tumugon sa sunog, at lahat ng posibleng sangkot ay dumaraan ngayon sa beripikasyon.
Kapag napatunayan daw na totoo ang mga alegasyon, maaari silang maharap sa kasong kriminal at bawiin ang kanilang certificate of competency, ayon sa ahensya.
Patuloy ang paalala ng BFP sa lahat ng responder na panatilihin ang disiplina at integridad sa gitna ng operasyon, lalo na sa mga sitwasyong may sakuna.