January 29, 2026

Home BALITA National

Palasyo, aaksyunan pagpapakalat ng umano’y pekeng ‘medical report’ ni PBBM

Palasyo, aaksyunan pagpapakalat ng umano’y pekeng ‘medical report’ ni PBBM
Photo courtesy: via Balita


Nanindigan ang Malacañang na gusto nilang maimbestigahan ang pagkalat ng mga maling impormasyon kaugnay sa diumano’y medical report ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Enero 29, sinabi ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na nararapat maaksyunan ang naturang isyu.

“Dapat lang, dapat lang [na] tingnan ito dahil na po biro ang biruin ang kondisyon [at] kalusugan ng Pangulo,” saad ni Castro.

Giit niya, “Kaya po ang [National Bureau of Investigation] NBI, alam po natin na mabilis umaksyon ang NBI, para maimbestigahan kung sino po ang nasa likod nito.”

Sa isang Facebook post na ibinahagi ng PCO noong Miyerkules, Enero 28, idiniin nilang nasa maayos na kalagayan ang Pangulo—na siyang itinutuloy ang kaniyang pagtatrabaho.

“The medical document being circulated is FAKE, is not the result of any legitimate medical examination, and does not reflect the President’s health. The President is well, fully capable of performing his duties, and continues to discharge his official responsibilities,” anang PCO.

Dagdag pa nila, “The President remains focused on serving the Filipino people.”

Noon ding Miyerkules, Enero 28, pinabulaanan ng St. Luke’s Medical Center ang umano’y medical test results ng Pangulo, na siyang ipinakalat online at sa iba’t ibang social networking sites.

“St. Luke’s Medical Center is aware of medical test results falsely circulating online and on social media claiming to pertain to President Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. These documents are FAKE and FALSIFIED,” saad nila.

MAKI-BALITA: 'Fake and falsified!' St. Luke’s Medical Center, nagbabala sa umano'y kumakalat na test results ni PBBM-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA