Itinakda na ng Commission on Elections (Comelec) ang panahon ng paghahain ng kandidatura o filing ng Certificates of Candidacy (COCs) para sa idaraos na 2026 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (2026 BSKE).
Magaganap ito sa sa Setyembre 28 hanggang Oktubre 5, 2026.
Ito ay alinsunod sa Comelec Resolution No. 11191, na inisyu ng poll body nitong Enero 28, 2026 at nagtatakda ng calendar of activities para sa naturang halalan.
Sa nasabing resolusyon, nabatid na magsisimula naman ang election period sa Oktubre 3 at magtatapos sa Nobyembre 9, 2026.
Sa nasabing panahon, magpapatupad din ng gun ban ang Comelec o yaong mahigpit na pagbabawal sa pagdadala ng baril at iba pang nakamamatay na armas sa mga pampublikong lugar.
Mahigpit din namang ipagbabawal ang paggamit ng private security personnel o bodyguards ng mga kandidato, organisasyon ng reaction o strike forces, suspensiyon ng elective officials, at paglilipat o pagtatalaga ng mga civil service employees.
Magsisimula naman ang panahon ng kampanyahan mula Oktubre 22 hanggang Oktubre 31, kung kailan mahigpit na pinagbabawalan ang mga kandidato na mamigay ng anumang donasyon o regalo sa mga botante, in cash man o in kind.
Hindi rin pinahihintulutan ang pag-aalis o pagsira ng lawful campaign materials at paggamit ng illegal campaign propaganda.
Pagsapit naman ng Nobyembre 1, na bisperas ng halalan, hindi na pinahihintulutan pa ang pangangampanya ng mga kandidato.
Magpapatupad na rin ang mga awtoridad ng liquor ban o yaong pagbabawal sa pagbebenta at pag-inom ng alak, gayundin ang pagtanggap o pamimigay ng libreng transportasyon, pagkain, inumin at iba pang mahahalagang bagay sa mga botante.
Idaraos naman ang mismong araw ng halalan sa Nobyembre 2, mula 7:00AM hanggang 3:00PM.
Kaagad itong susundan ng pagbibilang at canvassing ng mga boto, gayundin ng proklamasyon ng mga nanalong kandidato.
Samantala, itinakda naman ng Comelec ang deadline para sa paghahain ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Disyembre 2.
Matatandaang alinsunod sa Republic Act 12232, ang BSKE 2026 ay itinakda sa unang Lunes ng Nobyembre.