January 29, 2026

Home BALITA National

MMDA Gen. Mngr. Torre III, nagbisikleta papuntang MMDA office

MMDA Gen. Mngr. Torre III, nagbisikleta papuntang MMDA office
Photo courtesy: File Photo, GMA Integrated News (X)

Piniling gumamit ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III ng bisikleta para tumungo sa head office ng MMDA nitong umaga ng Huwebes, Enero 29, 2026. 

Ayon sa naging panayam ng GMA Integrated News kay Torre nito ring Huwebes, Enero 29, sinabi niyang matagal na raw niyang adboksiya ang paggamit ng bisikleta at hindi raw niya maitatanggang napakaraming sasakyan sa kalsada tuwing rush hour. 

“Ang mga kalsada natin, punum-puno lagi lalo na ngayong rush hour kaya inulit ko na naman ang pagbibisikleta sapagkat matagal ko nang adbokasiya ito,” pagsisimula niya. 

Ani Torre, mas madali raw ang pagbiyahe para sa mga taong gumagamit ng bisikleta lalo na kung 15 to 20 kilometers lang ang kanilang ruta. 

National

SC, ibinasura motion for reconsideration ng Kamara sa impeachment complaint vs VP Sara

“There is room for everyone and itong bisikleta—kung maiksi lang ang biyahe mo, mga 15 to 20 kilometers lang ay kayang kaya ng bisikleta ‘yan,” aniya. 

Pahabol pa niya, “Wala pang isang oras ‘yan.” 

Pagpapatuloy pa ni Torre, malinaw daw na kailangang magdagdag ng bike line sa mga kalsada para sa mga katulad niyang nagbibisikleta ngunit hindi naman daw iyon talagang mandatoryo. 

“Well, for infrastructure, obviously, kailangan nating i-improve. More bike lanes pero hindi siya naman mandatory talaga na mandatory,” paliwanag niya. 

“Except maybe for the big roads like EDSA, ‘yan, puwede kang maglagay ng bike lane,” pagtatapos pa niya. 

Kaugnay kay Torre, matatandaang pinabulaanan niya noong Enero 22, 2026 na nagsumite siya ng kahit anong optional retirement mula sa Philippine National Police (PNP) service, taliwas umano sa mga kumalat na ulat noong Enero 21, 2026.

MAKI-BALITA: Torre, itinangging nagsumite ng optional retirement!

Paglilinaw ni Torre, wala raw siyang pinirmahang aplikasyon para sa naturang optional retirement at sinabi niyang pag-uusapan daw muna nila iyon ng tinawag niyang mga “boss.”

Ani Torre, napag-uusapan naman daw ang lahat ng bagay at tingin niya raw na lumabas lang aniya nang mabilis sa media ang naturang balita sa kaniyang optional retirement. 

Samantala, opisyal naman nang nanumpa bilang bagong PNP Chief si Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noong Miyerkules, Enero 27, 2026, base na rin sa mga ibinahaging larawan sa publiko ng Presidential Communications Office (PCO).

MAKI-BALITA: Torre kinarga ang 'sexy misis,' hinikayat tumakbo sa 2028

MAKI-BALITA: Hindi raw aso ugali: Sen. Robin, sumagot sa inintrigang pagkikita nila ni Torre

Mc Vincent Mirabuna/Balita