Nakikitang isa sa mga hamon na kinahaharap ng “search and rescue” operations sa lumubog na MV Trisha Kersten 3 kamakailan ay ang mga naiulat na pag-aligid ng mga pating sa lugar ng insidente.
Ayon sa panayam ng 24 Oras sa Philippine Coast Guard (PCG) noong Miyerkules, Enero 28, ibinahagi nila na bagama’t hindi shark-infested ang katubigan ng Basilan, kung saan tinutukoy na lumubog ang MV Trisha Kersten 3, nananatiling maingat ang mga diving team dahil sa mga namataang pating na umaaligid dito.
“May mga balita na medyo maraming shark. Hindi naman po [shark]-infested pero may sightings. Delikado po ‘yon,” saad ni Coast Guard Commander Cheska Ana Jamorol.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM) Commander, Commodore Rejard Marfe PCG, na sa mas papalawak nila ng kanilang search and rescue operations sa karatig coastal communities at barangays, umaasa sila na may mga maililigtas pa silang survivors mula sa nasabing paglubog ng MV Trisha Kersten 3.
“Actually, nag-extend na kami ng search area. [Mas] pinaigting namin ‘yong ating coordination doon sa coast communities at coastal barangays, hoping na may survivors na napadpad doon sa areas,” ani Marfe.
“‘Yong mga maliliit na mangingisda, pinagtanungan din natin ‘yon. Baka may mga narekober sila na survivors na hindi lang na-report sa atin,” dagdag pa niya.
Noon ding Enero 28, naiulat na dumating na ang investigating team ng PCG mula sa Maynila para tumulong sa isinasagawang malawakang imbestigasyon sa insidente ng paglubog.
Habang naka-standby naman ang Philippine Navy sa mga karagdagang-tulong.
Sa panayam naman ni PCG Spokesperson Captain Noemie Cayabyab PCG sa Unang Balita nitong Huwebes, Enero 29, ibinahagi niya na nagpababa na sila ng remotely-operated vehicle para malaman ang lalim ng kanilang diving operation at para makita rin ang mga posibleng kagamitan na matukoy nila.
Tiniyak din niya na kumpleto ang kagamitan ng mga itinalagang divers sa operasyon para matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
“Kahapon po, nagpababa na po tayo ng remotely-operated vehicle unang-una para malaman ang lalim ng magiging diving operation natin. Pangalawa, para malaman po kung ano ‘yong characteristic ng magiging diving area nila. Para makita na rin kung mayroon po bang makikita doon na objects, even ‘yong barko na lumubog po,” ani Cayabyab.
“‘Yong divers naman po, magiging fully-equipped sa magiging operating environment nila,” dagdag pa niya.
Base naman sa kanilang latest na bilang, 316 na ang naitala nilang survivors mula sa insidente ng paglubog.
Habang 18 ang mga naitalang nasawi; at 10 naman ang nananatiling nawawala pa.
Sa kasalukuyan, mayroon pa raw silang natatanggap na mga ulat na may ilan pang bilang ng mga nawawala bukod sa mga kasalukuyan nilang tala.
Ilan sa tinitingnan nilang anggulo na naging posibleng paglubog ng MV Trisha Kersten 3 ay ang pagkapigtas ng lashing o bakal na tali nito at squall o bilang paglakas ng hangin na may kasabay na pagbugso ng ulan.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsasagawa ng “full-blown investigation” sa nangyaring paglubog ng MV Trisha Kersten 3 noong Lunes, Enero 26.
Binanggit din sa direktiba ni PBBM ang grounding ng operasyon ng Aleson Shipping Lines na nagmamay-ari sa nasabing sasakyang-pandagat.
MAKI-BALITA: PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3
KAUGNAY NA BALITA: Shipping line ng lumubog na M/V Trisha Kerstin 3, nakiramay sa mga kaanak ng kanilang mga pasahero
Matatandaan din na naiulat ang paglubog ng MV Trisha Kersten 3 noong madaling-araw ng Enero 26 sa northeast ng Baluk-Baluk Island, Basilan.
MAKI-BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero
Sean Antonio/BALITA