January 29, 2026

Home BALITA Internasyonal

May bomba pa! Pinoy green card holder, guilty na nag-aayuda ng pera sa ISIS

May bomba pa! Pinoy green card holder, guilty na nag-aayuda ng pera sa ISIS
Photo courtesy: Getty Images via MB/AP

Umamin sa korte sa ibang bansa ang isang Pilipinong may hawak ng green card sa Amerika kaugnay ng kasong pagpapadala ng pera sa teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), bukod pa sa pag-iingat ng isang improvised bomb sa mismong tirahan niya.

Batay sa mga ulat, umano'y nag-plead guilty o umamin sa kasalanan niya ang Pilipinong nagngangalang Mark Villanueva, 29-anyos, sa isang federal court sa downtown Los Angeles nitong Martes, Enero 28.

Ayon sa mga awtoridad, inamin ni Villanueva na nagbigay siya ng pera sa ISIS bilang suporta sa grupo, gayundin ang ilegal na pag-iingat ng improvised bomb, sa mismong bahay niya.

Batay sa pahayag ng US Department of Justice (DOJ), maaaring maharap si Villanueva sa parusang aabot sa 35 taong pagkakabilanggo.

Internasyonal

Lalaki nagpakulong na lang kaysa ibalik higit ₱63M na maling naipadala sa bank account niya

Itinakda ang paghatol sa kaniya sa Hunyo 17.

Base sa dokumento, nakipag-transaksyon umano ang akusado sa dalawang indibidwal na nagpakilalang mga miyembro ng ISIS.

Sa pag-uusap daw nila sa pamamagitan ng social media, ipinahayag umano ng Pilipino ang hangaring tumulong sa grupo at nag-alok na magpadala ng pondo para sa mga operasyon nito, dahil naniniwala raw siya sa ipinaglalaban nila.

"It’s an honor to fight and die for our faith. It’s the best way to go to heaven," saad pa raw ni Villanueva noon. 

Si Villanueva ay isang lawful permanent resident ng Amerika at nagmula sa Pilipinas. Hindi naman nabanggit ang tiyak na rehiyong pinagmulan ng akusado.

Naaresto siya bandang Agosto 2025 kung saan, makikita raw sa records ng isang money remittance ang 12 payments niya na aabot sa $1,615 sa dalawang ISIS member, sa loob lamang ng limang buwan.