Nanindigan ang Malacañang sa umano’y posibleng isyu sa “stability” ng bansa, sa gitna ng kinahaharap na karamdaman at dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Enero 29, idiniin ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na patuloy na nagtatrabaho ang Pangulo kahit na ito ay humaharap sa mga naturang sitwasyon.
“Nakita n’yo naman po ang Pangulo… Kahit po sinasabi ng doktor na kailangan niyang maghinay-hinay, patuloy po ang Pangulo sa pagtatrabaho. Hindi po nagbabakasyon ang Pangulo,” saad ni Castro.
Giit pa niya, “Kahit kailangan niya pong mamahinga, nandoon pa rin po [ang Pangulo na] nagbabasa ng mga briefs na dapat niyang alamin para po siya sa updated. So, nakita po natin kung gaano kasipag ang Pangulo. Hindi po sanay ang mga kababayan natin na nakikita ang Pangulo na nagre-relax, hindi tulad ng iba.”
Ayon pa sa press officer, marapat na lamang daw na magtiwala ang sambayanan kay PBBM, sapagkat ito raw ay magdudulot ng magandang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas.
“So, tandaan po natin with that, na nakikita po natin na sunod-sunod pa rin po ang pagtatrabaho ng Pangulo kahit [na] may iniinda noon. Magtiwala lamang po ang taumbayan para mas maging maganda po ang impact nito sa ating ekonomiya,” anang press officer.
Nang personal na makausap si PBBM ukol sa impeachent complaints, sinabi ni Castro na alam naman daw ng Pangulo ang proseso nito, at tiniyak niyang susunod ang Pangulo rito.
“Natanong ko po siya kagabi pero ang sabi lang po sa atin ng Pangulo ay alam niya po ang proseso, at susunod lamang siya sa proseso. Gano’n lang po,” aniya.
Sa huling ulat, nag-abiso ang House Committee of Justice na sisimulang isagawa ang unang pagpupulong hinggil sa impeachment complaints laban kay PBBM sa darating na Lunes, Pebrero 2, 2026.
MAKI-BALITA: Unang pagpupulong sa impeachment complaint vs PBBM, ikakasa na sa Peb 2!-Balita
Sa kalusugan naman ng Pangulo, tiniyak niyang patuloy siyang nagtatrabaho—sa kabila ng diagnosis na “diverticulitis.”
“Sumobra naman pagka-excited n'yo, andito pa 'ko, I'm running the government. We're doing everything that needs to be done,” pahayag ni PBBM.
MAKI-BALITA: PBBM, bumwelta sa bashers: 'Sumobra pagka-excited n'yo, andito pa 'ko!'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA