Magkakaroon ng “libreng sakay” ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa mga pasaherong babiyahe sa rutang Zamboanga City at Lamitan City, Basilan, ngayong Huwebes, Enero 29.
Base sa anunsyo ng Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM) makapagsasakay ng higit 80 pasahero ang PCG vessel na BRP Capones (MRRV 4404), kung saan prayoridad dito ang senior citizens, persons with disabilities (PWDs), mga buntis, at mga bata.
Saad pa ng ahensya, ang registration ay isasagawa sa Coast Guard Station Zamboanga, at ang mga rehistradong pasahero ay isasakay sa PCG rescue truck patungo sa nasabing sasakyang-pandagat.
Ang kinakailangan lamang dalhin ng mga pasahero sa pagpaparehistro ay valid ID o anumang dokumento na nagpapakita ng pagkakakilanlan para sa verification purposes.
Sa kaugnay na ulat, kasalukuyang nagsasagawa ng malawakang “search and rescue” operations sa katubigan ng Basilan dahil sa insidenteng paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 noong madaling-araw ng Lunes, Enero 26.
MAKI-BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero
Base sa latest update ng PCG, tinatayang 18 na ang naitalang nasawi dahil sa insidente, habang 10 pa ang nawawala.
MAKI-BALITA: Mga umaaligid na pating, isa sa mga hamon ng ‘search and rescue’ sa MV Trisha Kerstin 3
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3
Sean Antonio/BALITA