January 29, 2026

Home BALITA

Giit ng Palasyo: ICI, tuloy pa rin operasyon sa imbestigasyon sa flood control

Giit ng Palasyo: ICI, tuloy pa rin operasyon sa imbestigasyon sa flood control

Nanatiling aktibo at patuloy na ginagampanan ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang mandato nitong imbestigahan ang umano’y mga anomalya sa flood control projects, ayon sa Malacañang nitong Huwebes, Enero 29, 2026.

Sa isang Palace briefing, sinabi ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng komisyon

“I believe the ICI is still operating and complying with its mandate,” ani Castro.

Ayon pa sa kanIya, wala umanong pondong nasayang sa mga ginagawa ng ICI dahil patuloy pa rin ang pagsusuri ng mga miyembro nito sa mga dokumentong isinumite sa kanila.

Probinsya

11 bangkay, narekober sa ‘search and rescue’ sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3

 “There's no money spent na we can say was wasted. The people in the ICI are still working and investigating the documents given to them,” dagdag niya.

Noong Enero 16, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na malapit nang matapos ang trabaho ng ICI at naimbestigahan na nito ang mga dapat silipin kaugnay ng mga kuwestiyonableng flood management projects. Gayunman, ayon kay Castro, hinihintay pa rin ng Pangulo ang pinal na ulat ng komisyon at wala pang itinakdang deadline para sa pagsusumite nito.

Sinabi rin ni Castro na ang magiging kapalaran ng ICI ay pagbabatayan ng Pangulo matapos matanggap ang ulat.

 “The President is just awaiting the report of the ICI. Upon receipt of the report, the President will make the next move regarding the ICI,” ani Castro.

Samantala, sinabi ng ICI Technical Working Group para sa Asset Recovery na kasalukuyan nilang kinukuwenta ang tinatayang halaga ng mga ari-ariang nabawi mula sa mga personalidad na sangkot umano sa anomalya sa flood control projects. Ito ay kasunod ng ikapitong coordination meeting ng nasabing grupo.

Ayon kay Castro, may iba pa umanong kasong patuloy na iniimbestigahan ang komisyon.

 “Sa aking pagkakaalam, meron pa silang iniimbestigahan dahil marami pang mga dokumento ang naiwan sa kanila,” aniya.

Itinatag ang ICI sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong Setyembre ng nakaraang taon. Layunin nitong magsilbing non-partisan fact-finding body na mag-iimbestiga ng mga iregularidad sa flood control at iba pang infrastructure projects sa nakalipas na sampung taon. Pinamumunuan ito ni dating Supreme Court Associate Justice Andres Reyes Jr.

Noong Disyembre 2025, nagbitiw si dating commissioner Singson dahil sa dahilan ng kalusugan at seguridad, habang sinabi naman ni Fajardo na natapos na niya ang trabahong itinakda niyang gawin.

Napabilang sa mga balita ang kapalaran ng ICI matapos sabihin ng special adviser nitong si Rodolfo Azurin Jr. na hindi umano nakapagrekomenda ng mga kaso ang komisyon dahil sa kakulangan ng commissioners.