Usap-usapan ng mga netizen ang tila "maaksyong detalye" sa naging testimonya ng personal driver ng Kapuso star na si Rhian Ramos matapos niyang kasuhan ang amo pati na ang kaibigan nitong beauty queen at kapwa Kapuso actress na si Michelle Dee, at isa pang beauty queen na si Samantha Panlilio, na inirereklamo niya ng torture at serious illegal detention na isinampa niya sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa panayam ng media sa nabanggit na driver, na itinago sa pangalang "Totoy," sinabi niyang pinaghinalaan umano siya ng mga inirereklamo ng pagkuha ng isang angpaw na naglalaman umano ng mga sensitibong larawan. Sapilitan umano siyang ikinulong sa condo unit sa loob ng tatlong araw.
Naganap umano ang insidente noong Enero 17.
Ilang bodyguards at pulis umano ang nagkulong sa kaniya sa condo unit para paaminin sa pamamagitan umano ng pananakit. Kasama rin aniya sa mga nanakit sa kaniya si Michelle, at maging ang among si Rhian, na aniya ay nakainom nang mga sandaling iyon.
Nang marinig daw niya mula sa mga bodyguard na "tatapusin na ang buhay niya," dito na raw nagpasya ang driver na tumakas.
Mula sa 39th floor ng condo, tumalon daw siya sa bintana at nag-dive. Mabut na lamang daw at may nakita siyang lubid kaya nakahawak siya rito, hanggang sa makarating sa 25th floor.
Pagdating sa 25th floor, may nakabukas daw na kuwarto kaya dito na siya pumasok.
Pero may nakaabang na raw sa kaniya kaya naiakyat ulit siya sa itaas.
Dinala raw siya sa estasyon ng pulis at inireklamo ng qualified theft. Doon daw, sinasabi niyang nakaranas ulit siya ng pananakit dahil sa pagpapaamin sa kaniya, ilang mga miyembro umano ng pulis.
Bandang Huwebes, Enero 22, tuluyan siyang nakalabas ng presinto dahil dinismis ng Makati Prosecutor's Office ang qualified theft na inihain laban sa kaniya.
Batay naman sa ulat ng PEP, pinabulaanan naman ng dalawang aktres ang illegal detention sa nabanggit na driver, sa pamamagitan ng legal counsel nilang si Atty. Maggie Abraham-Garduque, na ipinadala naman sa editor at showbiz writer ng isang lokal na pahayagan, na si Jun Lalin.
Ayon sa abogado, wala raw naganap na ilegal na detention sa driver.
Naniniwala raw ang kampo ng dalawa na ang isinampang reklamong illegal detention ay puwedeng pantapat lamang sa kasong qualified theft na nauna nang isinampa kontra sa kaniya. Ang nagsampa umano ng kasong ito laban sa driver ay si Michelle.
Kaugnay na Balita: Michelle Dee, kinasuhan ng qualified theft ang driver ng kaibigang si Rhian Ramos!
Pormal at opisyal na sasagutin daw ng magkaibigan ang tungkol dito kapag nakatanggap na sila ng mga dokumento mula sa NBI.
Kaugnay na Balita: Rhian Ramos, Michelle Dee inireklamo ng umano'y illegal detention; abogado, nagsalita!
Samantala, naging usap-usapan naman ng mga netizen ang sinasabing pagtalon ng driver mula sa 39th floor patungong 25th floor ng condo, sa pamamagitan lamang ng pagkapit sa lubid.
Isa na nga rito ang Facebook page na Kapamilya Online World kung saan nagpa-"Pulso ng Bayan" pa sila.
"Sa inyong palagay posible nga bang tumalon mula sa 39th floor at suwerteng makakita ng lubid upang mapunta ka sa 25th floor??" anila.
Narito naman ang ilan sa mga sagot ng netizens.
"Pag gusto mo pang mabuhay talaga makakansurvive ka sa kahit na anong paraan. At himala."
"Siyempre for survival... posible naman yata, lalo na kung nakarinig ka na tatapusin ka na."
"Nothing impossible siguro lalo na kung buhay ay nasa peligro."
"Sa Nginig ni Kuya, maling term ang nagamit nya, imbes na nag Scale down, tumalon ang nabanggit nya."
"Huwag nating husgahan. ganun talaga kapag buhay na ang nakataya."
Samantala, as of this writing, wala pang opisyal na pahayag ang kampo nina Ramos, Dee, at Panlilio tungkol sa isyu.