January 29, 2026

Home BALITA Probinsya

Binatang nakipagtitigan umano ng masama, pinagsasaksak ng 18 beses!

Binatang nakipagtitigan umano ng masama, pinagsasaksak ng 18 beses!

Isang 19-anyos na binata ang nasawi matapos pagsasaksakin nang maraming beses sa Barangay Poblacion, Matalam, Cotabato.

Ayon sa mga ulat, nangyari ang krimen bunsod umano ng engkwentro ng biktima sa dalawang lalaking lasing.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si alyas “John Paul”—isang private employee at residente ng Purok 4, Barangay Manubuan sa nasabing bayan. Ayon sa awtoridad, nagtamo siya ng humigit-kumulang 18 saksak sa dibdib at iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.

Saad pa ng ulat ng Matalam Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang alas-7:55 ng gabi sa Purok Morning Glory. 

Probinsya

11 bangkay, narekober sa ‘search and rescue’ sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3

Nagkataong magkasabay sa isang tindahan ang biktima at ang suspek na isang construction worker, at kapuwa umano nakainom ng alak.

Sa isinagawang imbestigasyon na pinangunahan ni Police Lieutenant Bonel Cabuyao, Deputy Chief ng Matalam PNP, nagsimula ang alitan sa isang simpleng titigan na kalaunan ay nauwi sa hamunan. Lumalabas na hindi magkakilala ang dalawa at wala ring naitalang dating alitan bago ang insidente.

Ayon sa pulisya, pansamantalang umalis ang suspek upang kumuha ng kutsilyo sa kaniyang tinutuluyan at bumalik sa lugar kung saan niya pinagsasaksak ang biktima.

Agad rumesponde ang mga tauhan ng Matalam PNP at ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office upang isugod ang biktima sa ospital, subalit idineklara itong dead on arrival.

Matapos ang insidente, boluntaryong sumuko sa himpilan ng pulisya ang suspek at kasalukuyang nahaharap sa kasong murder.