Madalas na haka-haka ng marami na ang paglalaro ng puzzle games ay nakakatalino o pampatalas ng memorya.
Kaya kung oobserbahan, makikita sa cellphone ng ilan ang samu’t saring brain teaser apps tulad ng crossword, scrabble, o kaya’y sudoku.
Sa kabila ng nakahihikayat na paniniwalang ito, nakakatalas nga ba talaga ng pag-iisip ang paglalaro ng puzzles?
Bagama’t isang komplikadong parte ng katawan ang utak, sinasabi sa maraming pag-aaral na ang paglalaro ng puzzles ay nakatutulong para mapatalas ang critical, problem-solving, at pattern-recognition skills, partikular sa older adults dahil nakaka-stimulate ito ng pag-iisip.
Kaya sinasabi rin ng ilang eksperto na nakatutulong ang puzzles para ma-delay ang onset ng dementia ng hanggang dalawa at kalahating taon.
Bukod sa mga ito, narito ang ilan pang benepisyo na nakikita ng mga eksperto sa paglalaro at pagbuo ng puzzles:
1. Visual at Spatial Reasoning
Ayon sa partikular na pagsasaliksik sa PITSCO Education, dahil kadalasang kinakailangan ng matinding focus sa puzzles, nasasanay nito ang kakayahan ng utak imanipula at solusyonan ang isang pattern nang walang hirap habang tumatagal. Maihahalintulad ito sa pagbabasa ng mapa at pagkabisado ng dance steps.
2. Relaxation
Ayon sa Case Western Reserve University, ang pagkumpleto sa patterns at problem-solving ay nakatutulong para maging grounded ang isang indibidwal.
Bukod pa rito, hindi katulad ng mga karaniwang pang-araw-araw na aktibidad, ang puzzles ay idinisenyo para gugulan ng oras, kaya hindi ito overstimulating.
3. Creativity
Ayon din sa nasabing pag-aaral, dahil sa patterns na kailangan i-solve, layon ng puzzle games na maging malikhain ang isang indibidwal para mabuo at makumpleto ito, kaya nahahasa rito ang creative thinking skills.
Base sa pag-aaral ng Reader’s Digest, para masulit ang mga benepisyong ito mula sa pagbuo at paggawa ng puzzles, mahalagang tandaan na i-enjoy ito at patuloy na i-challenge pa ang sarili sa pag-solve ng iba’t ibang klase nito.
Isa pa ay tinuturo rito na iwasang umasa sa puzzles para sa brain health, bagkus ay sumubok ng isang “holistic approach” tulad ng pagsasama ng isang masustansyang diet, regular na ehersisyo, at pakikihalubilo sa iba.
Sean Antonio/BALITA