Umabot sa 11 bangkay ang narekober sa nagpapatuloy na “search and rescue” operation ng lumubog na MV Trisha Kerstin 3, ngayong Huwebes, Enero 29.
Base sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), kasalukuyan nang sumasailalim sa retrieval procedure ang mga narekober na labi, sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Basilan, upang malaman ang pagkakakilanlan ng mga ito at maipagbigay-alam na sa kanilang mga naghihintay na kaanak.
Nagpapatuloy pa rin ang “full-blown” na imbestigasyon sa paglubog ng MV Trisha Kerstin 3, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Martes, Enero 27.
MAKI-BALITA: PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3
Tiniyak ng PCG na patuloy pa silang magbibigay ng karagdagang impormasyon hinggil sa mga panibagong bilang ng mga pasahero at crew na nakaligtas at binawian na ng buhay dahil sa insidente ng paglubog.
Base pa sa ilang ulat ng media, 52 pamilya ang maghahain ng reklamo laban sa Aleson Shipping Lines, na nagmamay-ari sa MV Trisha Kerstin 3.
Bukod pa rito, binanggit din sa mga ulat na saliwa sa sinasabi ng PCG na 10 ang bilang ng mga nawawala, naniniwala ang ilang pamilya na mas marami pang pasahero ang hindi pa natatagpuan.
Matatandaang lumubog ang MV Trisha Kerstin 3 sa katubigan ng Baluk-Baluk Island, Basilan noong madaling-araw ng Enero 26.
MAKI-BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero
Sa kasalukuyan din, isa sa mga hamon na kinahaharap ng “search and rescue” team ay ang mga ulat ng mga umaaligid na pating sa lugar ng insidente.
MAKI-BALITA: Mga umaaligid na pating, isa sa mga hamon ng ‘search and rescue’ sa MV Trisha Kerstin 3
Sean Antonio/BALITA