Naniniwala si Vice President Sara Duterte na ang pinakamalalang maaaring mangyari sa isang tao ay ang magkasakit o mamatay, at hindi ang makulong sa International Criminal Court (ICC).
Ibinigay ni Duterte ang pahayag nitong Miyerkules, Enero 28, 2026, bilang tugon sa sinabi ni Senator Ping Lacson na ang pinakamasamang maaaring mangyari kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa ay ang ma-detain sa The Hague.
"Sa tingin ko lang ha, sa lahat ng tao, sa buhay ng isang tao, the worst thing that could happen is magkasakit at mamatay. Kapag wala kang sakit at hindi ka namatay at buhay na buhay ka pa kahit nasa loob ka man ng kulungan o nasa labas ka ng kulungan, okay na," pahayag ni Duterte sa isang panayam sa The Hague noong Enero 27.
Dagdag pa niya, "Kasi hindi lahat ng tao ba binibigyan ng 70 years, ng 75 years, ng 80 years, ng Diyos. Iyong iba, lumabas lang, bumili ng itlog hindi na nakabalik sa pamilya nila. So, yan na yung pinaka worst na mangyari sa isang tao."
Minamaliit din ni Duterte ang sinasabing takot na nararamdaman ng senador, na umano’y kabilang sa mga respondent sa kasong crime against humanity sa ICC.
Ayon sa kaniya, mas mabigat ang epekto ng pagkakasakit at kamatayan dahil nauubos ang ipon at naiiwan ang mga mahal sa buhay.
"Kaya diba, yung kay sitwasyon ni Senator Bato, wala yan. Hindi naman siya nagkasakit eh. Yung mga kawawa ng mga tao yung mga magpa-chemo tapos sobrang hina after nila...yung mga nag-aantay na lang kung anong oras sila kukunin ni Lord," ani Duterte.
"Yun yung mga worst cases or worst incidents na mangyari sa buhay ng isang tao. Kapag buhay na buhay ka, wala kang sakit at hindi ka namatay, okay kaya, go lang!" dagdag pa niya.