Pinasinungalingan ng Palasyo ang umano’y kumakalat na impormasyon patungkol sa paglala ng lagay ng kalusugan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos itong ma-diagnose kamakailan ng “Diverticulitis.”
Nakasaad kasi sa nasabing mensahe na natanggap ng ilang reporters mula sa isang “unknown number at source,” na ang sakit umano ni PBBM ay “deteriorated severly” na bunsod ng “drug use.”
Nagkaroon din daw ng “cyst and showed clear sign of perforation” na kung hindi maaagapan, ay magdudulot ng “life-threatening results” sa Pangulo.
“Kung unknown number ‘yan, e ‘di unknown din ang source niyan. So kung unknown ang source niyan, so malamang gumagawa ng kuwento ‘yan,” saad ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa press briefing ng PCO nitong Miyerkules, Enero 28.
Giit pa niya, “So, huwag natin masyadong paniwalaan ang mga kumakalat sa social media na hindi verified at walang ibang source.”
Natanong din siya kaugnay sa hindi pagdalo ni PBBM sa Pagpupugay 2025, na siyang dinaluhan naman ni Executive Secretary (ES) Ralph Recto. Aniya, maayos naman ang Pangulo sapagkat nadaluhan nito ang oath-taking ni Philippine National Police (PNP) Chief Jose Melencio Nartatez Jr. nito ring Miyerkules, Enero 28.
“Ngayon po, um-attend po siya sa oath-taking po ni General Nartatez Jr., kaya masasabi po natin na gumaganda, umiigi, umaayos po ang kalusugan ng Pangulo matapos po siyang ma-diagnose ng doktor patungkol sa Diverticulitis,” anang press officer.
Inilahad din ni Castro na hindi pa tiyak kung makadadalo na ba si PBBM sa mga pagpupulong at kaganapan na isasagawa sa labas ng Palasyo.
“Sa ngayon po, hindi po natin masasabi—at ang sabi nga po ni ES Ralph Recto ay pinapa-relax muna ang ating Pangulo. Pero sabi po natin, um-attend po siya ng activity ngayon, [nagkakaroon] po siya ng private meetings, so umiigi po ang kalusugan ng Pangulo,” pagtatapos niya.
Matatandaang kamakailan, kinumpirma mismo ng Pangulo na siya ay na-diagnose ng sakit na “Diverticulitis.”
“I’m fine. I’m feeling very different from the way I was feeling before. Naayos na ‘yong problema. What happened was now I have ‘Diverticulitis.’ It’s a common complaint amongst, apparently, people who are heavily stressed and people who are, I have to admit, growing old,” saad ni PBBM.
MAKI-BALITA: ‘Wag muna kayo masyadong excited!’ PBBM binunyag ang sakit, hindi raw life threatening-Balita
Pagtitiyak pa ni PBBM, hindi naman daw life-threatening ang diagnosis sa kaniya ng doktor.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Sakit na ‘Diverticulitis’ ni PBBM, life-threatening nga ba?-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA