Pinasaringan ng senador na Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang umano’y mga Pilipinong “bayaran” sa social media matapos ang naging pagkondena niya at kapuwa niya mga senador sa mga opisyal ng Chinese Embassy matapos ang ginanap nilang plenary session sa Senado.
MAKI-BALITA: 'Layas!' Sen. Erwin Tulfo, nanggigil sa mga opisyal ng Chinese Embassy
Ayon sa naging pahayag ni Pangilinan sa kaniyang “X” account noong Martes, Enero 27, nagawa niyang pasaringan ang umano’y mga Pilipinong nagpapabayad at tila pumapanig sa China.
“Biglang nagkalat ngayon ang mga Pilipinong bayaran ng China sa socmed matapos ang talumpati natin sa Senado kontra sa pambabastos ng China Embassy,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa post ni Pangilinan.
Ani Pangilinan, tiba-tiba raw ang mga trolls sa pagtanggap ng umano’y Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged (TUPAD) na bersyon ng China.
“Tiba tiba. Tumatanggap ng TUPAD sa China troll farms. Alam na dis!” diin niya.
Tila hindi rin napigilan ng senador na sabihang “traydor” ang mga trolls na umano’y tumatanggap ng TUPAD ng China.
“China TUPAD para sa trolls. Traydor at Umuupak sa Pilipinas Ayuda Downpayment,” pagtatapos pa niya.
Kaugnay nito, matatandaang nagawang kuwestiyonin ni Sen. Risa Hontiveros ang opisyal na Facebook page ng Chinese embassy dahil tila mas nagmumukha na raw itong isang “troll farm” mula sa kaniyang privilege speech sa plenary session nila noon ding Lunes, Enero 26.
MAKI-BALITA: 'They kept replying!' Chinese Embassy, parang isang troll farm—Sen. Risa
Ani Hontiveros, tila raw may quota ang pambabastos ng Chinese embassy, hindi lang sa kaniya kundi pati na rin kina Sen. Kiko Pangilinan at Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Jay Tarriela.
Dahil dito, nanawagan si Hontiveros sa kaniyang mga kapuwa mambabatas na imbestigahan ang nasabing Facebook page ng Chinese embassy.
MAKI-BALITA: 'Layas!' Sen. Erwin Tulfo, nanggigil sa mga opisyal ng Chinese Embassy
Mc Vincent Mirabuna/Balita