Ibinahagi ni Sen. Robin Padilla sa publiko ang pagsailalim niya sa random drug testing na kusang-loob umano niyang ginawa.
Sa latest Facebook post ni Sen. Robin nitong Miyerkules, Enero 28, mapapanood ang maikling video habang at pagkatapos niyang magpa-drug test.
Aniya, “Mahalaga ang pagiging bukas at tapat sa taumbayan.”
“Ako po ay mapabilang sa random drug test, kusang-loob po akong sumailalim dito bilang patunay ng aking integridad at paninindigan sa pagsusulong ng medical cannabis,” dugtong pa ni Padilla.
Matatandaang minsan nang nagkaroon ng panawagang isulong ang mandatory drug testing sa lahat ng opisyal ng gobyerno, partikular noong masangkot ang opisina ni Padilla sa kontrobersiya.
Ito ay matapos maispatang gumagamit umano ng ilegal na marijuana ang staff niya at dating aktres na si Nadia Montenegro.
Ngunit ayon sa Palasyo, labag umano sa batas ang naturang panukala. Baka masayang lang din umano ang oras at pondo ng gobyerno rito.
Maki-Balita: Palasyo sa mandatory drug testing na isinusulong ni Padilla: ‘Baka magsayang lang ng pondo!’