Bukod sa pagiging kilala sa mga hula tungkol sa kalamidad at mga paparating na pangyayari, isiniwalat ng psychic na si Rudy Baldwin na minsan na rin siyang tinamaan ng suwerte sa lotto matapos umanong tumama ang mga numerong kaniyang nakita sa pamamagitan ng kaniyang “vision.”
Sa panayam sa programang "Your Honor," naurirat siya ng mga host nitong sina Buboy Villar at Chariz Solomon kung may karanasan na ba siya sa pagtaya sa lotto.
Ayon sa psychic, matagal na raw siyang tumataya kahit bago pa siya sumikat sa social media, at may mga pagkakataong sunod-sunod ang kaniyang panalo.
"Before, bago ako mag-social media, talagang tumama ako do'n, almost everyday," aniya.
"Natatawa na nga ako sa lotto, sabi niya, ‘Nandito na naman ang anak ng Diyos. Araw-araw na lang nagwi-withdraw!’”
Gayunman, inamin ni Baldwin na may malalaking jackpot na hindi niya tuluyang napakinabangan. Katulad ng nangyari sa umano’y ₱25 milyon, hindi rin niya nakuha ang ₱49 milyon na panalo dahil hindi raw naibigay sa kaniya ang tiket na ginamit sa pagtaya.
Dagdag pa niya, hindi lamang siya ang nakinabang sa kaniyang mga hula. May ilan din umano siyang kliyente na nanalo sa lotto matapos sundin ang mga numerong nakita niya sa vision niya.