Tila hindi na rin nakapagpigil si Sen. Jinggoy Estrada kaugnay sa umano’y hindi pagrespeto ng bansang China sa 2016 arbitral ruling at sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa naging privilege speech ni Estrada sa ginanap na plenary session nila sa Senado noong Martes, Enero 27, tinukoy niya ang kaso ng paggamit ng China Coast Guard (CCG) ng water cannon sa Philippine Coast Guard (PCG), navy patrols, at pati na rin ang mga naging patutsada ng Chinese Embassy sa ilang senador.
“But China has no respect for the 2016 arbitral ruling and for international law just as they had no respect to our fishermen,” pagsisimula niya, “Even water cannoning them to the Philippine Coast Guard and the Philippine navy patrols, and recently, to the elected senators of this republic.”
Tahasang pahayag ni Estrada, “Namimihasa na kayo mga [walang-hiya].”
Anang senador, wala naman daw pumapanig sa China kaugnay sa WPS kahit ang international law, pandaigdigang komunidad, at lalo na ang mga bansang apektado rin sa umano’y pang-aangkin nito.
“Sino ba ang pumapanig sa kanila sa pag-angkin sa West Philippine Sea. Ang sagot, halos wala. Hindi ang pang-internasyonal na batas, hindi ang pandaigdigang komunidad, at lalong hindi ang mga bansang direktang apektado ng kanilang pang-aangkin,” diin niya.
Ani Estrada, wala raw katotohanan at hindi kinikilala ng batas pandagat ang historical right ng China kahit idaan pa nila iyon sa puwersa at propaganda.
“Ang tinatawag nilang historical rights ay hindi kinikilala ng batas pandagat. At ang pagdidikta sa pamamagitan ng lakas o puwersa ay hindi nagiging katotohanan kahit idaan pa sa pananakot at mapanganib na maniobra, kahit idaan pa sa gaano kadami’t kalaki ang kanilang barko, at kahit idaan pa sa proganda nang walang basehan,” aniya.
Ayon pa kay Estrada, magpapatuloy raw siya at mga kapuwa niya mambabatas na isulong ang karapatan ng Pilipinas sa international law dahil nararapat lamang na makita ng taumbayan na tumitindag ang pamahalaan para sa pang-nasyonal na interes.
“Mr. President, we as a nation, will continue to assert our rights under international law. Our kababayan deserves, nothingless, a government that firmly stands its ground in a certain sovereignty and defending our nation's interest,” saad niya.
“Mr. President, I’ll repeat, atin ang West Philippine Sea,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: 'Kahit sino pang dayuhan, walang karapatang patahimikin mga Pinoy sa loob ng Pilipinas!'—Sen. Risa
MAKI-BALITA: 'Tiba-tiba sa TUPAD ng China!' Sen. Kiko, binuweltahan umano'y mga nagkalat na trolls
Mc Vincent Mirabuna/Balita