January 29, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Michelle Dee, kinasuhan ng qualified theft ang driver ng kaibigang si Rhian Ramos!

Michelle Dee, kinasuhan ng qualified theft ang driver ng kaibigang si Rhian Ramos!
Photo courtesy: Michelle Dee, Rhian Ramos (FB)

Nagsampa ng kasong qualified theft ang Kapuso actress-beauty queen na si Michelle Dee laban sa personal na driver ng kaibigang si Rhian Ramos, matapos daw ang umano'y pagkuha nito ng mga "sensitibong larawan" na nasa loob ng kaniyang kuwarto.

Batay sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, napag-alaman ni Dee na umano'y kinuha ng driver ni Rhian ang ilang mga sensitibong larawan mula sa loob ng kuwarto, na ipinagbigay-alam daw sa kaniya ng mismong asawa ng driver.

Ang nabanggit na driver ay nakakapasok sa condominium unit ng dalawa, at may sariling unit din umano ang driver sa parehong condo.

Kinausap daw ni Dee ang driver tungkol dito, at inamin naman daw ang ginawa. Ibinalik daw ng driver kay Dee ang ilang mga larawan, subalit napansin daw ng aktres-beauty queen na kulang ang mga ito.

Tsika at Intriga

Rhian Ramos, Michelle Dee inireklamo ng umano'y illegal detention; abogado, nagsalita!

Humingi raw ng tulong si Dee sa kaniyang bodyguard upang makuha ang mga umano'y natitira pang larawan. Humantong daw ito sa pagdakip sa driver.

Batay pa sa ulat ng PEP, bago pa raw makapagsampa ng pormal na reklamo si Dee laban sa driver, nauna nang magreklamo ang nabanggit na driver ng torture at serious illegal detention sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kaniya, at sa among si Ramos.

Pero nauna na raw dinakip ng mga awtoridad ang driver dahil naman sa paratang na qualified theft laban sa kaniya ni Dee.

Pinabulaanan naman ng dalawang aktres ang illegal detention sa nabanggit na driver, sa pamamagitan ng legal counsel nilang si Atty. Maggie Abraham-Garduque, na ipinadala naman sa editor at showbiz writer ng isang lokal na pahayagan, na si Jun Lalin.

Ayon sa abogado, wala raw naganap na ilegal na detention sa driver.

Naniniwala raw ang kampo ng dalawa na ang isinampang reklamong illegal detention ay puwedeng pantapat lamang sa kasong qualified theft na nauna nang isinampa kontra sa kaniya.

Nagsalita rin ang legal counsel dahil daw sa pagpapa-interview ng complainant sa ilang miyembro ng media patungkol sa pagsasampa niya ng reklamo. 

Pormal at opisyal na sasagutin daw ng magkaibigan ang tungkol dito kapag nakatanggap na sila ng mga dokumento mula sa NBI.

Kaugnay na Balita: Rhian Ramos, Michelle Dee inireklamo ng umano'y illegal detention; abogado, nagsalita!