January 28, 2026

Home BALITA National

'May pag-asa pa!' Sen. Bam, naniniwalang kayang tapusin ang krisis sa edukasyon

'May pag-asa pa!' Sen. Bam, naniniwalang kayang tapusin ang krisis sa edukasyon
Photo courtesy: Bam Aquino/FB


Buo ang tiwala ni Sen. Bam Aquino na kayang harapin ng bansa ang kinahaharap nitong krisis pagdating sa sektor ng edukasyon.

Sa ibinahaging pahayag ni Sen. Bam noong Martes, Enero 27, binigyang-diin niyang ring hindi lamang mandato ng iisang ahensya o pinuno ang pagtapos sa nasabing isyu.

“May pag-asa pa. Ang pagharap sa krisis sa edukasyon ay hindi trabaho ng iisang ahensya o lider lamang,” saad ni Sen. Bam.

Giit pa niya, “Kailangan ang sama-samang pagkilos ng buong pamahalaan at ng lahat ng sektor ng lipunan—mula sa pambansang pamahalaan hanggang LGUs, mga guro, magulang, at mga komunidad.”

Inilahad din ng mambabatas na dapat na magamit ang kabuuang pondong inilaan para sa sektor ng edukasyon.

“Mayroon na tayong makasaysayang ₱1.34 trilyong pondo para sa edukasyon; ang mahalaga ngayon ay masiguro na ito’y naipatutupad nang maayos, sa tamang presyo, at sa tamang panahon—para maramdaman ito ng bawat mag-aaral at bawat guro sa loob ng silid-aralan,” anang mambabatas.

“Panahon na para tumindig at kumilos—at tiyaking ang susunod na dekada ay magiging dekada ng tunay na pagbabago sa edukasyon. Para sa kabataan, at para sa kinabukasan ng bayan,” pagtatapos niya.

Matatandaang noong Disyembre 2025, naiulat ni Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) Executive Director Karol Mark Yee, sa ginanap na 2025 National Literacy Conference ng EDCOM kamakailan, na umabot sa 85% ang bilang ng grade 1 to 3 students sa bansa na hindi “grade-level ready” ang kapasidad ng pagbabasa.

MAKI-BALITA: ‘This is a national crisis!’ 85% ng Grades 1 to 3 learners sa bansa, ‘struggling readers’-Balita

Gayumpaman, inilaan umano ang higit-trilyong pondo para sa edukasyon, upang masiguro na ang bawat Pilipinong mag-aaral ay magkaroon ng “access” sa kalidad na edukasyon.

“Education remains a top priority of this administration. Committed to transparency and accountability as foundations of good governance, we stand ready to turn this vision into reality, ensuring that every family and every Filipino learner can access quality education,” saad ni Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara.

KAUGNAY NA BALITA: DepEd Sec. Angara, pinasalamatan si PBBM sa paglaan ng ₱1.35T sa sektor ng edukasyon!-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA