January 28, 2026

Home BALITA Internasyonal

Lalaki nagpakulong na lang kaysa ibalik higit ₱63M na maling naipadala sa bank account niya

Lalaki nagpakulong na lang kaysa ibalik higit ₱63M na maling naipadala sa bank account niya
Photo courtesy: Freepik

Anong gagawin mo kung sakaling may malaking halaga ng pera na maling naipadala sa bank account o e-wallet account mo?

Isang lalaking Nigerian kasi ang hinatulan ng korte ng isang (1) taong pagkakakulong matapos umanong mapatunayang ginamit niya ang mahigit ₦1.5 bilyon, o katumbas ng higit ₱63 milyon, na maling naipasok sa kaniyang bank account—perang sa halip na isauli niya sa may-ari, pinili niyang lustayin para sa personal na pangangailangan.

Ayon sa mga ulat ng international news outlet, kinilala ang akusado na isang customer ng First Bank sa Benin City, Edo State, Nigeria.

Batay sa imbestigasyon, naganap ang tinatawag na “error credit” mula Hunyo hanggang Nobyembre 2025, kung saan sunod-sunod na naipasok sa kaniyang bank account ang malaking halaga ng pera.

Internasyonal

Hanash ng Malaysian minister: Pagiging miyembro ng LGBT, dahil sa 'work-related stress!'

Sa halip na i-report ang anomalya sa bangko, ginamit umano ng akusado ang pondo sa loob ng ilang buwan at nagpakasasa rito.

Matapos na hindi ibalik sa bangko ang mga perang naipadala sa kaniya, inireklamo siya sa mga awtoridad, at kapagkuwan ay inaresto ng Economic and Financial Crimes Commission (EFCC) at iniharap sa Edo State High Court noong Enero 19, 2026.

Bago pa man daw ilabas ang hatol, nakumpiska na ng EFCC ang malaking bahagi ng pera. Umabot sa ₦802.42 milyon ang nabawi mula sa personal na account niya, at sa mga account ng kaniyang nanay at mga utol. Bukod dito, kinansela rin ng bangko ang mga transaksyong nagkakahalaga ng higit ₦300 milyon.

Sa pasya ng korte, napatunayang guilty siya sa mga kasong theft at fraud. Gayunman, mas pinili umano ng akusado na isilbi ang sentensiya sa kulungan kaysa isauli ang natitirang malaking halaga ng pera na nasa kaniya pa, gayundin ang mga nagastos na niya.