Iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang isang insidente ng umano’y pagnanakaw sa loob ng isang supermarket sa Quezon City na naganap nitong Miyerkules, Enero 28, 2026, ilang sandali matapos maapula ng mga bumbero ang sunog sa establisimyento.
Kumalat sa social media sa parehong araw ang isang video na nagpapakita ng isang indibidwal na nagsusuri sa mga guho ng nasunog na gusali.
Sa video, makikita umanong kinuha ng indibidwal ang isang bote ng alak na hindi nasira ng apoy at itinago ito sa loob ng suot niyang Personal Protective Equipment (PPE).
Kinumpirma ng BFP ang insidente ngunit nilinaw na ang sangkot ay hindi miyembro ng kanilang hanay kundi isang kasapi umano ng isang fire volunteer group.
Ayon kay BFP spokesperson Fire Superintendent Anthony Arroyo, hindi tumutugma sa standard-issue design ng BFP ang PPE na suot ng indibidwal sa video.
Sinabi ni Arroyo na kasalukuyang tinutukoy ng BFP ang pagkakakilanlan ng mga taong sangkot sa insidente gayundin ang fire volunteer group na kanilang kinabibilangan.
Nagbabala rin si Arroyo laban sa anumang kahalintulad na gawain, at sinabi na ang mga mapatutunayang sangkot ay maaaring kumpiskahan ng identification cards at bawiin ang kanilang Certificates of Competency.
Dagdag pa niya, handa ang BFP na tumulong sa mga may-ari ng supermarket sakaling maghain ang mga ito ng kasong theft laban sa mga responsable sa insidente.