January 28, 2026

Home BALITA Eleksyon

Kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary polls, ipinagpaliban ng Comelec

Kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary polls, ipinagpaliban ng Comelec
(file)

Hindi na matutuloy sa Marso 30, 2026 ang nakatakda sanang pagdaraos ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) sa bansa.

Ito’y matapos na magpasya ang Commission on Elections (Comelec) na ipagpaliban ang pagdaraos ng naturang halalan, bunsod na rin ng ilang legal at operational concerns.

Sa isang media interview, sinabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na ang naturang postponement ay inaprubahan ng Comelec en banc sa idinaos na regular session nitong Miyerkules.

Paliwanag ni Garcia, inirekomenda ng kanilang executive director, law department, at ng Bangsamoro Study Group na, legally at operationally, ay hindi na nila kaya pang idaos ang naturang halalan sa Marso 30 dahil sa kawalan ng redistricting law para sa Bangsamoro Parliament at kakulangan ng sapat na oras para paghandaan ang eleksyon.

Eleksyon

Special elections para sa Antipolo 2nd District, aarangkada na sa Marso

“Gusto ko lang i-announce na yung Comelec en banc, ngayun-ngayon lamang (Miyerkules), sa pagtatapos ng aming sesyon, inaprubahan namin ang isang resolusyon na kung saan ay opisyal naming idinideklarang postponed ang March 30, 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections,” anunsiyo ng poll chief. “Ito ay matapos na magrekomenda ang aming Executive Director, ang aming Law Department at ang aming Bangsamoro Study Group, na legally and operationally, ay hindi na po kayang maisagawa ang eleksiyon sa March 30.”

Ani Garcia, “Una, legally, sapagkat hindi na po ito magko-comply o masusunod yung instruction ng ating Kataas-taasang Hukuman na pupwedeng magsagawa ang Comelec ng tinatawag na Bangsamoro Parliamentary Elections kung ito ay hindi nasa loob ng 120 araw bago ang eleksiyon dahil ito (redistricting law) ay kalalagda lamang ng Chief Minister noong nakaraang linggo lamang at ito po ay hindi pa effective hanggang sa kasalukuyan dahil hindi pa po ito napa-publish.”

Tinutukoy ni Garica ang redistricting measure na inaprubahan ng parliament sa ikatlo at huling pagbasa noong Enero 13, at nilagdaan naman ni Chief Minister Abdulraof Macacua bilang batas nitong Enero 20 lamang.

Paliwanag ni Garcia, ang isang batas ay magiging ganap na batas lamang matapos ang 15-araw pa matapos itong mailathala sa mga pahayagan.

“So aabutin pa po ito ng mga hanggang ikalawa o ikatlong linggo ng Pebrero bago maging batas,” aniya, kaya’t hindi na aniya ito pasok sa 120 araw bago ang election day, na ipinagbabawal ng batas o ang Republic Act 8189.

“Operationally, hindi na rin po namin kaya ang isang buwan at dalawang linggo para isagawa ang halalan na yan dahil ito ay automated election,” dagdag pa ng poll chief.

Pahayag pa ni Garcia, maghihintay na lamang sila ng isang batas mula sa Kongreso na magtatakda ng bagong petsa kung kailan isasagawa ang eleksiyon.

Kaugnay nito, inianunsiyo rin naman ni Garcia na ang lahat ng calendar of activities para sa Bangsamoro Parliamentary Elections, kabilang na ang gun ban, na magsisimula sana nitong Miyekules ng gabi, ay isinasasaisantabi na muna at hindi na ipapatupad dahil ito ay nakabase kung may magaganap na halalan.

Nakatakda rin aniya silang lumiham ng isang manipestasyon sa Korte Suprema upang ipaliwanag na ang kanilang desisyong ipagpaliban ang halalan ay bilang pagtalima sa kanilang kautusan sa poll body.