Tahasang inilahad ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na “mas reliable” umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung ang pag-uusapan ay ang lagay ng kalusugan nito.
Sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Miyerkules, Enero 28, nilinaw rin ni Castro ang dahilan kung bakit hindi naglalabas ng “medical bulletin” ang mga doktor ni PBBM.
“Mas reliable po siguro mismo ang Pangulo ang nagsasabi kung ano po ang kaniyang nararamdaman. Katawan niya naman po ‘yon,” saad ni Castro.
Giit pa niya, “Sa ating pagkakaalam po, kapag naglabas ng medical bulletin, dapat serious illness. Kung sinabi ng Pangulo na hindi ito life-threatening, so ba’t kailanganin po sa ngayon ang medical bulletin? Samantalang kami naman po ay nagpo-provide sa inyo kung ano po ang kalagayan ng kalusugan ng Pangulo.”
Sinagot din ng press officer ang umano’y isang doktor mula sa isang tanyag na ospital na nagbigay daw ng pahayag kaugnay rito.
“Kung doktor po ‘yon ng St. Lukes, siya po ba ang doktor ng Pangulo? Hindi po tayo maaaring magbigay ng anumang opinyon kung hindi naman manggagaling mismo sa doktor ng Pangulo—at hindi manggagaling sa Pangulo,” sagot ni Castro.
Aniya pa, “Sinabi po ng Pangulo, hindi po life-threatening—nakakaramdam po siya ng kaunting sakit at ‘yan naman po ay tinutugunan ng kaniyang mga doktor.”
“At ngayon po ay nakikita natin siya sa iba’t ibang activities katulad po ng oath-taking sa harapan po mismo ni General Nartatez. Makikita at naka-attend pa po siya ng EDC, halos umabot po yata ito nang dalawang oras. So, hindi po tayo makakatugon sa mga source na hindi nababanggit kung kanino galing,” pagpapaliwanag pa niya.
Sa parehong press briefing, pinasinungalingan din ni Castro ang umano’y paglala ng karamdaman ng Pangulo—na galing umano sa isang unknown number and source.
“Kung unknown number ‘yan, e ‘di unknown din ang source niyan. So kung unknown ang source niyan, so malamang gumagawa ng kuwento ‘yan,” ani Castro.
MAKI-BALITA: 'Unknown source, gumagawa ng kuwento 'yan!' Castro pinabulaanang lumala 'Diverticulitis' ni PBBM-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA