Ipinahayag ni Malaysia’s Minister in the Prime Minister’s Department (Religious Affairs) Dr. Zulkifli Hasan na ang stress na may kaugnayan sa trabaho ay maaaring isa sa mga factor na nagtutulak sa ilang indibidwal na maging isa sa LGBTQIA+ community.
Bukod sa stress sa trabaho, sinabi rin ni Dr. Zulkifli na may malaking papel din ang impluwensiya ng lipunan, kakulangan sa relihiyosong gawain, at iba pang personal na karanasan sa paghubog ng tinawag niyang LGBT lifestyle.
Tinukoy rin niya ang isang pag-aaral noong 2017 nina Sulaiman et al. na nagsasaad na maraming salik ang maaaring makaapekto sa ganitong pag-uugali.
“The study emphasised that the combination of these elements may contribute to the development of LGBT-related behavior,” ayon kay Dr. Zulkifli.
Dagdag pa niya, ang kakulangan sa pagsasabuhay ng relihiyon ay isa ring mahalagang salik.
Ang pahayag ni Dr. Zulkifli ay tugon sa tanong ni Datuk Siti Zailah Mohd Yusoff na humihingi ng updated na datos tungkol sa LGBT trends sa Malaysia, kabilang ang edad, etnikong komposisyon, at mga pangunahing dahilan ng pag-usbong ng nasabing isyu.
Gayunman, inamin ng opisyal na walang opisyal na statistical data ang pamahalaan tungkol sa populasyon ng LGBT sa bansa.
“This is because research on the LGBT community in Malaysia is still very limited, resulting in a lack of comprehensive data on this population,” paliwanag niya.
Sa Malaysia, nananatiling kriminal ang same-sex intimacy sa ilalim ng Federal Penal Code of 1936, na nagbabawal sa “carnal intercourse against the order of nature” at “outrages on decency.”
Ang mga mapapatunayang nagkasala ay maaaring makulong ng hanggang 20 taon at patawan ng parusang paghagupit. Saklaw ng batas ang kapwa lalaki at babae.
Sa hiwalay na tugon sa tanong ni Member of Parliament Rosol Wahid, inihayag ni Dr. Zulkifli na may 135 LGBT-related arrests na naitala mula 2022 hanggang 2025. Ayon sa kaniya, ang pagpapatupad ng criminal Shariah offences, kabilang ang mga kasong may kinalaman sa sodomy at cross-dressing, ay nasa hurisdiksyon ng state religious authorities.
Para naman sa mga indibidwal na pinaghihinalaang sangkot sa ganitong gawain ngunit kulang ang ebidensya para sa pagsasampa ng kaso, sinabi ni Dr. Zulkifli na karaniwan silang inaalok ng payo, counselling, o rehabilitative courses.
Mayroon din umanong mga espesyal na programa ang pamahalaan upang gabayan ang mga ito at tulungan silang makahanap ng mas maayos na trabaho o pumasok sa larangan ng pagnenegosyo.
Kasabay nito, muling iginiit ni Dr. Zulkifli na mariing tinututulan ng Madani government ang pagtataguyod ng LGBT-themed programmes o events, lalo na sa social media, dahil taliwas umano ito sa Islamic teachings.
Hinikayat niya ang publiko na i-report sa Malaysian Communications and Multimedia Commission (MCMC) ang anumang online content na nagpo-promote ng ganitong mga aktibidad.