January 28, 2026

Home BALITA National

Don't worry! Pilipinas, handa sa Nipah virus—DOH

Don't worry! Pilipinas, handa sa Nipah virus—DOH
Photo courtesy: via MB

Siniguro ng Department of Health (DOH) na hindi dapat mangamba ang mga Pilipino sa Nipah virus (NiV) at may sapat nang kakayahan ang bansa upang tugunan ang posibleng banta nito.

Sa ulat ng GMA News, ang pahayag ay ginawa kasunod ng mga balitang mahigpit na binabantayan ng ilang bansa ang pagkalat ng Nipah virus mula sa India.

Ayon sa DOH, hindi na bago ang Nipah virus sa Pilipinas, dahil may naitala na umanong kaso ng NiV sa Pilipinas noong 2014 sa Sultan Kudarat, kung saan umabot sa 17 ang kumpirmadong kaso noong panahong iyon.

Dagdag ng ahensiya, wala nang naitalang bagong kaso ng Nipah virus sa bansa matapos ang 2014. Gayunman, patuloy pa rin itong sinusubaybayan ng DOH sa pamamagitan ng Epidemiology Bureau bilang bahagi ng mas pinaigting na disease surveillance system.

National

'May pag-asa pa!' Sen. Bam, naniniwalang kayang tapusin ang krisis sa edukasyon

Sa kasalukuyan, may limang kumpirmadong kaso ng Nipah virus sa West Bengal, India. Tinatayang nasa 100 indibidwal na nakasalamuha ng mga pasyente ang kasalukuyang tinutukoy at inaalagaan ng mga awtoridad doon upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng sakit.

Batay sa DOH, ang karaniwang pinagmumulan ng Nipah virus ay ang mga fruit bat o paniki. Gayunman, may posibilidad ding mahawa ang ilang alagang hayop, kaya’t mahalaga ang maingat na paghawak at pagmonitor sa mga ito.

Unang naitala ang NiV outbreak noong 1999, mula sa mga baboy at tao, mula sa Malaysia at Singapore, kung saan, tinatayang 300 katao ang nagkasakit at higit 100 dito ay nasawi.

Sa outbreak na ito, naitala na naipakalat ng mga paniki ang virus sa mga baboy, at dahil pagkahalubilo ng mga tao sa mga na-impeksyong baboy, nagkaroon ng pagkakahawa.

Muling iginiit ng kagawaran ang kahalagahan ng tamang impormasyon at pakikipagtulungan ng publiko upang mapanatiling ligtas ang kalusugan ng mamamayan laban sa mga umuusbong na sakit.

Habang maaaring maging asymptomatic ang manipestasyon ng Nipah Virus sa mga tao, ayon sa European Centre for Disease Prevention and Control (ECDC), narito ang ilan pang sintomas na maaari ding makita sa mga taong maiimpeksyon ng virus na ito:

- Lagnat

- Headache o sakit ng ulo

- Muscle pain o pagsakit ng mga kalamnan

- Nausea o pagsusuka

- Sore throat o pagsakit ng lalamunan

- Ubo

- Respiratory discomfort

- Encephalitis o isang medical condition na lumalarawan sa pamamaga ng tisyu ng utak (makikita rito ang pagkahilo, pagkaantok, altered state of consciousness o iba pang kakaibang sintomas sa pag-iisip).

Ayon sa iba’t ibang ulat ng international media, naka-high alert ang mga airport sa mga bansang Thailand, Taiwan, at Nepal, matapos ang Nipah Virus outbreak sa West Bengal, India, kung saan dalawang kaso na nito ang kumpirmado at lima ang kasalukuyan pang kinakikitaan ng mga senyales.

Sa Pilipinas, tiniyak ng DOH na naka-high alert sila at nakahanda na ang kanilang updated guidelines para dito.

Kaya abiso ng mga eksperto sa publiko na iwasang mag-panic, bagkus ay maghanda at alamin ang mga posibleng preventive measures ng virus bago pa man ito umabot sa kanilang komunidad.

Kaugnay na Balita: ALAMIN: Ano ang kumakalat na ‘Nipah Virus’ sa iba’t ibang bansa?