Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) ang pagpanaw ng dati nilang spokesperson na si James Jimenez nitong Miyerkules, Enero 28.
Sa latest Facebook post ng Comelec nito ring Miyerkules, inanunsiyo nila sa publiko ang malungkot na balita.
“The Commission on Elections mourns the passing of James B. Jimenez, former Spokesperson and Director IV, Education and Information Department of the Commission, who served the institution and the Filipino people with integrity, clarity, and utmost dedication,” anang Comelec.
Nagpaabot din ang komisyon ng pakikiramay sa pamilya, kaibigan, at mga mahal sa buhay ni Jimenez.
Anila, “COMELEC extends its deepest sympathies to his family, friends, and loved ones. We honor his legacy of public service and his enduring contribution to election transparency and voter education.”
Ayon sa Comelec, si Jimenez umano ang may hawak ng “longest-serving” at “youngest spokesperson” sa gobyerno sa panahon ng pagkakatalaga nito.
Mula 2006 hanggang 2022, siya ang nagsilbing mukha at boses ng Comelec para maglatag ng mga paliwanag hinggil sa sala-salabid na proseso ng eleksyon.
Bukod sa pagiging tagapagsalita, nagsilbi rin siyang Director IV sa Education and Information Department ng komisyon.
Sumakabilang-buhay si Jimenez sa edad na 52.