Isang bangkay ng lalaki na hindi pa nakikilala ang natuklasan sa loob ng dalawang sako ng pagkain ng hayop na itinapon sa gilid ng kalsada sa Sitio Ilaya, Karsadahang Silangan, Barangay Kaong, Silang, Cavite.
Batay sa ulat ng Silang Municipal Police Station, isang motorista ang nakapansin ng kahina-hinalang bagay sa gilid ng kalsada. Agad niya itong ipinaalam sa Punong Barangay sa pamamagitan ng Chief Tanod ng Barangay Kaong.
Bandang alas-8:50 ng umaga nang matanggap ng Duty Tactical Operations Center ng Silang MPS ang ulat, at kaagad namang rumesponde ang mga pulis upang beripikahin ang insidente.
Nang buksan ang mga sako, natagpuan ang bangkay ng lalaki na nakabalot at nakasilid sa loob nito.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay nakasuot lamang ng maroon na shorts, walang pang-itaas, at tinatayang nasa edad 40 hanggang 55. Wala ring nakitang anumang pagkakakilanlan o personal na gamit sa lugar.
Agad na isinailalim sa police cordon ang lugar at nagsagawa ng crime scene processing ang Forensic Unit. Isasailalim din sa autopsy ang bangkay upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay.
Hindi rin isinasantabi ng pulisya ang posibilidad na sa ibang lugar pinaslang ang biktima bago ito itinapon sa nasabing sitio.
Naglabas na ng flash alarm ang Silang MPS sa mga himpilan ng pulisya sa Cavite at mga karatig-probinsiya upang makatulong sa pagkilala sa biktima at sa posibleng pagdakip sa mga responsable sa krimen.