Hindi pa man pumapasok ang buwan ng Pebrero, napuno na agad ng kilig ang social media dahil sa viral na marriage proposal ng isang lalaki sa Mt. Pulag para sa girlfriend niya.
Kinilala ang mag-couple na sina John Rey Zabella at Sophia Nicole Coprada na kapuwa mula sa probinsiya ng Quezon at kasalukuyang naninirahan sa Metro Manila.
Nagsimulang mapukaw ang atensyon ng publiko nang ibahagi ng isang netizen sa Facebook group ang larawan ng mismong eksena ng pagpo-propose ni John kay Sophia sa tuktok ng naturang bundok na aksidenteng nakunan.
“We accidentally saw someone propose in the summit. Don’t know them. Hopefully the internet does its thing,” saad ni Rachelle Ann Cuales.
Sa eksklusibong panayam ng Balita nitong Miyerkules, Enero 28, sinabi ni Sophia na wala umano siyang kaide-ideya sa nakahandang sorpresa ni John para sa kaniya. Ito ay kahit ang pag-akyat nila sa Mt. Pulag ay bahagi ng kanilang anniversary celebration.
“Kasi parang normal lang naming ginagawa ‘yong pagha-hike, e. Pero mas special siya kasi nga Mt. Pulag na ‘yon, e.”
Gayunman, kuwento ni Sophia, kapansin-pansin umano ang panginginig ng kamay ni John noong paakyat na sila sa bundok.
“Akala ko nilalamig lang siya,” pagpapatuloy ng dalaga, “kasi that time po, sobrang lamig talaga do’n. ‘Yon pala kinakabahan lang siya do’n sa gagawin niya.”
Ngunit paano nga ba naisagawa ni John nang hindi sumasabit ang plano niyang marriage proposal para sa kaniyang nobya?
Ayon sa kaniya, “Napadaan kami sa jewelry store, mga 3 years ago ‘yon. And then, nagsusukat siya ng mga singsing. And then do’n ko nalaman ‘yong kaniyang size ng kaniyang daliri.
“Simula noon hanggang ngayon, tinandaan ko na ‘yong sukat ng kaniyang singsing. Kaya medyo hindi na ako nahirapan pa at para hindi na rin niya mahalata kung sakali man,” dugtong pa ni John.
Kasagsagan ng pandemya, taong 2021, nang magsimula ang relasyon ng dalawa. May nag-notify daw noon sa Instagram account ni John at doon niya nakitang finollow siya ni Sophia.
Ngunit ilang araw pa umano ang lumipas bago minessage ni John si Sophia. Nagsilbing tulay ng kanilang pag-uusap ang anime series na nagkataong pareho nilang pinapanood.
“‘Yon ‘yong ginawa kong move para mag-chat sa kaniya,” anang binata.
Sabi naman ni Sophia, “Do’n niya ako napa-reply. Kasi parang adik ako sa anime series na ‘yon.”
At nang makaisang buwan na silang nag-uusap, nagpasya silang dalawa na magkita.
“Same province po kami pero magkalayo ‘yong bayan namin. And then mahirap pa ‘yong transportation no’n. So, mag-iipon daw muna siya. E, una akong nagkapera no’n. Ako ‘yong pumunta sa kanila. Tapos do’n na naging kami,” dugtog pa ni Sophia.
Sa limang taon ng kanilang pagsasama, malaki umano ang naitulong ng kanilang paglalakbay sa kung saan-saang lugar para sa matatag nilang relasyon.
“Go with the flow lang kasi kami, e. Parang sobrang saya lang. Travel dito, travel diyan. Kahit ‘yong mga local places lang. Parang do’n namin ibinuhos talaga ‘yong relasyon namin,” saad ni Sophia.
Bago pa man kasi nila maakyat kamakailan ang Mt. Pulag, inuna na nilang puntahan ang mga bundok na matatagpuan sa kanilang probinsiya. Pareho nilang kinahihiligan ang ganitong gawain.
Sa huli, nag-iwan ng mensahe sina Sophia at John para sa mga tulad nilang couple na patuloy na kinakapitan ang pag-ibig ng isa’t isa.
“Lagi n’yo lang piliin ‘yong isa’t isa,” paalala ni Sophia. “Normal lang ‘yong nag-aaway, e. Pero at the end of the day, isipin n’yo pa rin kung paano kayo nagsimula.”
Payo naman ni John sa mga kapuwa niya lalaki, “Matuto tayong mag-sorry kahit tayo ang tama at sila ang mali.”
Sa kasalukuyan, bagama’t hindi pa naman sila nakakaramdam ng pressure matapos ang kanilang engagement, umaasa sina John at Sophia na maikakasal sila sa susunod na taon.