Nagsimula na nga ang bagong game show ng nagbabalik na si Willie Revillame, ang "Wilyonaryo," nitong Martes, Enero 27, 2026.
Napanood ito sa mismong social media page ng Wilyonaryo gayundin sa Channel 10 ng Cignal, na "WilTV," at SatLife, kasabay sa 65th birthday ni Willie.
"TARA NA, sabay-sabay na tayo sa masarap na pananghalian with Kuya Wil at sa chance na maging MILYONARYO mula Lunes hanggang Biyernes!" mababasa sa post ng announcement at imbitasyon para sa mga netizen at manlalarong nais mag-avail ng ticket at makapaglaro.
Kung 12:00 ng tanghali ang Wilyonaryo, ibig sabihin, makakatapat ito ng dalawang noontime shows: ang "It's Showtime" ng ABS-CBN na umeere sa GMA Network, at "Eat Bulaga" naman sa TV5.
Sa isa pang post, sinabi sa page na hanggang birthday daw ni Kuya Wil, pagpapasaya raw ng ibang tao ang naiisip niya.
"Hanggang sa kanyang kaarawan, para pa rin sa pagpapasaya ng kapwa Pilipino," mababasa rito.
Ito na nga ang pagbabalik ni Willie matapos ang pagkatalo niya sa pagkandidato bilang senador noong 2025.
Sa media conference na isinagawa para sa muli niyang pagbabalik sa telebisyon noong Enero 20, sa kauna-unahang pagkakataon ay sinabi ni Willie ang kaniyang damdamin tungkol sa pagkatalo.
Para kay Willie, mas mabuti na raw ang nangyari kaysa sa nanalo siya at hindi raw niya alam ang gagawin, sasamahan, at kakampihan.
Maaaring ang binabanggit ng TV host ay ang kasalukuyang nagaganap na sigalot sa pagitan ng mga maka-PBBM at maka-Duterte.
Kaya feeling ni Willie, parang nanalo na rin siya kahit natalo siya.
"Siguro hindi talaga 'yon para sa akin," aniya.
"Actually 'yong pagkatalo ko, para sa akin nanalo pa ko, eh."
"Isipin n’yo kung nandoon ako ngayon paano, anong gagawin ko? Kanino ako sasama, kanino ako kakampi? So, for me ang politika hindi dapat politika, eh, public servant ka dapat," paliwanag ni Willie.
"Tumakbo ako para magserbisyo sa bayan, sa mga tao. Hindi ako tumakbo para kampihan ko sila. Kung nasa Senado ako, tapos kakampihan ko ang partidong ito tapos galit sa akin 'yong kabila, napakahirap. Kung tatakbo ako, para sa mga mahihirap na Pilipino para makagawa ng batas," aniya.
Kaugnay na Balita: 'Kanino ako kakampi?' Willie Revillame, parang nanalo na rin kahit natalo sa eleksyon