Nagpaabot ng pakikiramay si Vice President Sara Duterte hinggil sa sakunang sinapit ng barkong MV Trisha Kerstin 3 noong Lunes ng madaling araw, Enero 26, sa Baluk-Baluk Island, lalawigan ng Basilan.
Sa ibinahaging pahayag ni VP Sara nitong Martes, Enero 27, sinabi niyang patuloy ang kanilang pagdarasal para sa kaligtasan ng mga pasaherong hindi pa rin natatagpuan hanggang sa kasalukuyan.
“Mga kababayan, ikinalulungkot ko ang trahedyang sinapit ng barkong MV Trisha Kerstin 3 na lumubog sa karagatan malapit sa Baluk-Baluk Island, Basilan, kahapon,” panimula ni VP Sara.
Aniya, “Kami sa Tanggapan ng Pangalawang Pangulo ay lubos na nakikiramay sa mga pamilya at naiwang mahal sa buhay ng mga nasawi sa insidenteng ito.”
“Patuloy nating ipagdasal ang kaligtasan ng mga pasaherong kasalukuyan pang pinaghahanap sa patuloy na isinasagawang search and rescue operations ng ating mga awtoridad. Ipinapanalangin din namin ang kaligtasan at lakas ng loob ng mga rescuers na patuloy na naglilingkod sa kabila ng hamon at panganib sa karagatan,” dagdag pa niya.
Nagbahagi rin ang bise presidente ng ilang mga paalala para sa ligtas na paglalakbay sa dagat.
“Kasabay ng ating panalangin ay narito ang mga paalala sa kaligtasan sa paglalakbay sa dagat: Magsuot palagi ng life jacket, lalo na kung hindi marunong lumangoy, huwag maglayag kapag masama ang panahon o may babala ng bagyo, sundin ang mga patakaran at instruksyon ng kapitan at crew,” anang bise presidente.
Dagdag pa niya, “Iwasan ang paglalakad o pagtayo sa gilid ng bangka, lalo na kung maalon, huwag mag-overload ng sasakyang pandagat—sumunod sa tamang kapasidad, panatilihing tuyo at maayos ang mga gamit upang maiwasan ang pagkadulas.”
“Alamin ang lokasyon ng mga safety equipment tulad ng life buoy, fire extinguisher, at emergency exits, bantayan ang mga bata sa lahat ng oras, at magdala ng sapat na tubig, pagkain, at first aid kit lalo na sa mahahabang biyahe,” pagtatapos niya.
Nito ring Martes, Enero 27, iniutos naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isang “full-blown investigation” hinggil sa naturang insidente, ayon kay Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez.
“Ang utos po ng Pangulo, magkaroon tayo ng full-blown investigation. Kailangan po natin ito para malaman po natin lahat ng anggulo kung ano ba talaga ang nangyari at kailangan din po natin malaman ang pananagutan ng lahat ng panig, mapa-gobyerno man o ship owner,” saad ni Lopez sa kaniyang press briefing.
MAKI-BALITA: PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA