Umani ng reaksiyon sa social media ang isyu ng mataas na presyo ng pamasahe sa eroplano sa Pilipinas matapos ibahagi ng komedyanteng si Pooh ang kaniyang karanasan sa pagkukumpara ng pamasahe ng domestic at international flight.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Pooh na sinubukan niyang mag-book ng Manila–Catarman–Manila na biyahe mula Enero 26 hanggang Enero 29, at ikinumpara ito sa pamasahe ng Manila–Hong Kong–Manila sa halos kaparehong petsa.
Batay sa screenshots na kalakip ng kaniyang post, umabot sa humigit-kumulang ₱17,388 ang kabuuang pamasahe ng round-trip flight mula Maynila patungong Catarman, Northern Samar at pabalik sa Maynila sakay ng isang domestic airline, na may biyahe noong Enero 26, 2026. Ang naturang flight ay non-stop, na may tinatayang oras ng biyahe na 1 oras at 35 minuto.
Samantala, sa isa pang screenshot, makikita na ang round-trip flight mula Maynila patungong Hong Kong at pabalik ng Maynila, na may biyahe noong Enero 29, 2026, ay nagkakahalaga lamang ng USD 292.60, o tinatayang halos kapantay ng domestic fare kapag kinonvert sa piso.
Ang international flight ay non-stop din, may kabuuang oras ng biyahe na 2 oras at 25 minuto.
"Sinubukan kong mag book ng Manila-Catarman-Manila and nag compare ako ng MANILA-HONGKONG-MANILA.. totoo nga ang tsismis! Halos pareho lang, " ani Pooh.
"#NorthernSamarTourism #DOTR #NorthernSamar #PAL Jan 26 to 29 nag compare lang ako," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Pooh/FB
Dahil dito, muling nabuhay ang diskusyon online tungkol sa pagiging mas mahal ng domestic flights kumpara sa international routes, kaya mas maraming nagdedesisyong magtungo at mamasyal na lamang sa ibang bansa kaysa suportahan ang lokal na turismo.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens, sa comment section ng post ni Pooh.
"I booked mine for 16k manila-catarman-manila, and 7.8k only for Clark-Hong Kong-Clark. The difference in crazy."
"Dati may ibang airlines na bumabyahi dyan s catarman Ewan s Ewan at bakit tinigil kaya namonopolya ng pal kaya hayun walang Habas ang pal sa paniningil o baka mahal maningil ang catarman maraming may ari kaya umiiwas yung ibang airline TINGNAN nyo yung pier sa San Jose wala na ring dumadaong N barko dahil maraming lagayan s LGU."
"Mag hongkong nalang ako dinalang ako uuwi samin."
"Kaya ayaw sumakay ng airplane Kasi nakakatakot ang pamasahi...hehehe."
"Grabe sa ibang bansa na lang ako hahaha."
Matatandaang kamakailan lamang, naging usap-usapan din ang naging X post ni "Pinoy Big Brother" TV host Bianca Gonzalez tungkol sa mahal na flight sa Siargao, na umani ng reaksiyon sa mga netizen.
"Totoo. Bakit ganun. We booked a trip to Siargao and it is more expensive than a trip to Hong Kong, Bangkok, or Vietnam Mas mahirap suportahan ang lokal na turismo dahil ang mahal," saad niya.
Kaugnay na Balita: 'Mas mahirap suportahan ang lokal na turismo dahil ang mahal!'—Bianca Gonzalez
Kamakailan lamang, ikinakasa na ng Philippine Travel Agencies Association (PTAA) ang Travel Tour Expo 2026 na layong mag-alok ng mga promo at diskuwento dahil umano sa mga ulat na mas mahal ang pagbiyahe sa loob ng Pilipinas kumpara sa pagpunta sa ibang bansa.
Kaugnay na Balita: Mas mahal na travel rates ng Pilipinas kaysa int'l flights, minamatahang pababain ng PTAA