Kinuwestiyon ni Sen. Risa Hontiveros ang opisyal na Facebook page ng Chinese embassy dahil tila mas nagmumukha na raw itong isang “troll farm.”
Ayon ito sa naging privilege speech ni Hontiveros sa ginanap na plenary session nila sa Senado noong Lunes, Enero 26, 2026.
Anang senador, hindi pa rin daw nakukuntento ang Chinese embassy sa pangha-harass sa mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).
“Sa mamamayang Pilipino tayo mananagot at hindi sa kinatawan ng ibang bansa. Pero ang Chinese Embassy, hindi pa nakuntento sa pangha-harass nila sa atin sa laot,” aniya.
Tila raw may quota ang pambabastos ng Chinese embassy, hindi lang sa kaniya kundi pati na rin kina Sen. Kiko Pangilinan at Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Jay Tarriela.
“Kahit online, para silang may quota ng pambabastos laban sa representasyong ito — malinaw na malinaw ang pangalan ko sa official Facebook page nila,” diin niya.
Dagdag pa niya, “Mr. President. Target rin nila si Commodore Jay Tarriela, si Senador Kiko Pangilinan, pati ibang Pilipinong hangad lamang ay magsabi ng mga katotohanang nangyayari sa ating karagatan.”
Ani Hontiveros, patuloy raw sa pagsagot ang Chinese embassy sa kaniyang mga Facebook post para insultuhin siya at ang konstitusyon na tila raw may quota na sinusunod.
“They kept replying and replying and replying to my Facebook posts, sunod-sunod na pang-iinsulto sa akin at sa ating mga institusyon, na para bang may quota,” ‘ika niya.
Nagawa ring kuwestiyunin ng senador kung gawain pa raw ba ng official page ng embahada ng isang bansa ang ginagawa ng Chinese embassy o ng isang troll farm.
“Sa totoo lang, mas marami pa akong media landing sa page ng Chinese Embassy kaysa sa mainstream media. Mapapatanong ka na lang talaga: Official page ba yan ng isang embahada o… ng isang troll farm?” tanong niya.
Palinaw niya, “Operation na yan, eh. At yang kabit-kabit at coordinated attacks nila, matagal nang babala sa atin ng AFP: hangad nilang hatiin tayong mga Pilipino at ang hanay ng militar, guluhin ang isip ng taumbayan, at pahinain ang loob natin sa West Philippine Sea.”
Nanawagan din si Hontiveros sa kaniyang mga kapuwa mambabatas na imbestigahan ang nasabing Facebook page ng Chinese embassy.
“Kaya Mr. President, dear colleagues, nananawagan ako ng agarang imbestigasyon sa disinformation network na yan dito sa Pilipinas,” buwelta pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pang inilalabas na reaksyon, tugon, o pahayag ang Chinese embassy patungkol sa naging speech ni Hontiveros.
MAKI-BALITA: 'Kahit sino pang dayuhan, walang karapatang patahimikin mga Pinoy sa loob ng Pilipinas!'—Sen. Risa
MAKI-BALITA: Pabiktima? Sen. Risa, binira pagiging 'balat-sibuyas' ng China sa WPS
Mc Vincent Mirabuna/Balita