Sumagot ang senador na si Sen. Robin Padilla kaugnay sa naging tugon sa kaniya ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Jay Tarriela kaugnay sa paggamit ng water cannon at hindi pagganti ng PCG sa pamiminsala ng China Coast Guard (CCG).
Matatandaang naglabas ng video statement si Tarriela sa kaniyang “X” account noong Lunes, Enero 26, kung saan sinabi niyang pagpapakita umano ng propesyonalismo ang hindi pagganti ng PCG sa agresyon ng China.
KAUGNAY NA BALITA: Tarriela sa ‘di paggamit ng PCG ng water canon vs. CCG: ‘Ito ay pagpapakita ng propesyonalismo!’
Ayon naman sa naging tugon ni Padilla mula sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Enero 27, sinabi niyang tama naman daw ang naging depinisyon ni Tarriela sa paggamit ng water cannon.
“Tama ang paggamit ng water cannon ay pagpatay ng sunog at pagligtas ng buhay.
Alam mo pala sir admiral tariela. Very good,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa FB post ni Padilla.
Ani Padilla, oras na raw para gamitin ang water cannon ng PCG para tapusin na ang umano;y pagiging kawawa ng mga Pilipino sa sarili nilang karagatan at maibsan ng PCG ang galit ng mga ito.
“Kaya oras na po para gamitin [ninyo] ‘yan at [tapusin] ang pagiging kawawa natin sa sarili nating karagatan para naman maibsan ninyo ang naglalagablab na apoy na galit ng mga Pilipino,” aniya.
Dagdag pa niya, “Sa patuloy mo po na mga patutsada sa tingin po ba ninyo ay inililigtas mo ang buhay ng mga Pilipino. Sir wag po sana tayo mangopya ng posisyon ng sinumang dayuhan.”
Pagpapatuloy niya, ang kaligtasan daw ng mga Pilipino ang itanim ni Tarriela sa kaniyang puso at isipan.
“Malaki na po ang apoy at pinalalaki mo pa, ang kaligtasan ng mga Pilipino sa digmaan ang itanim natin sa ating [puso at] isipan,” saad niya.
Buwelta pa ng senador, dapat daw na ipagbawal na rin ang pambobomba ng tubig sa mga raliyista at mali raw pala ang paggamit ng mga awtoridad dito dahil na rin sa naging paliwanag ni Tarriela.
“Sa sinabi mo po patungkol sa water cannon dapat pala ipagbawal na ito sa mga rally at mali pala ang gamit ng police at gobyerno natin,” ‘ika niya.
Pagkukumpara ni Padilla, bawal daw pala gamitin ang water cannon sa mga Chinese ngunit puwede sa mga Pilipinong nagpapahayag lang umano ng kanilang damdamin.
“Bawal pala gamitin sa [Chinese] na binobomba tayo pero sa Pilipino na nagpapahayag lang ng damdamin niya [puwede] gamitin,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pang inilalabas na tugon, reaksyon, o pahayag si Tarriela kaugnay sa naging banat ng senador.
MAKI-BALITA: Tarriela sa ‘di paggamit ng PCG ng water canon vs. CCG: ‘Ito ay pagpapakita ng propesyonalismo!’
MAKI-BALITA: 'They kept replying!' Chinese Embassy, parang isang troll farm—Sen. Risa
Mc Vincent Mirabuna/Balita