Idiniin ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa publiko na nasa ilalim diumano ng “de facto Martial Law” ang Pilipinas kahit wala itong opisyal na deklarasyon mula sa mga awtoridad.
Ayon sa inilabas na video statement ni Leviste sa kaniyang Facebook page noong Lunes, Enero 26, sinabi niyang marami raw ang nananahimik at ayaw maging kritiko laban sa korapsyon dahil sila pa umano ang nasasampahan ng kaso.
“Ang Pilipinas ngayon ay nasa ilalim ng de facto Martial Law. Hindi man deklarado pero nararamdaman,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Marami ay tahimik dahil sa takot na makasuhan dahil nakikita na ang mga kritiko ng administrasyon ang mga unang sinasampahan ng kaso habang ang ibang mga kaalyado ay hinahayaan.”
Screenshot mula sa FB post ni Leviste.
Ani Leviste, marami raw mga batas ang inaaprubahan na lang nang walang debate at mga pondong naipapasa nang hindi nakukuwestiyon dahil sa pananahimik ng marami.
“Dahil dito, ang ilang mga batas ay inaaprubahan nang walang debate at may mga bilyon-bilyong pisong mga budget na hindi kinukuwestiyon,” aniya.
“Kasama dito ang pambayad para sa ilang mga media at social media personalities at mga troll farms na nagpapalaganap ng fake news at umaatake sa mga kritiko ng administrasyon,” paliwanag pa niya.
Nagawa ring gawing halimbawa ng congressman ang nangyari noong Martial Law sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., na ama ng kasalukuyang Pangulo.
“Ganito din sa panahon ng Martial Law ni dating Presidente Ferdinand Marcos, Jr., nungit maraming miyembro ng mga oposisyon, civil society, at pribadong sektor ay lumaban sa diktadura,” pagbabahagi niya.
Pahabol pa niya, “Kahit maraming inikunulong, umalis na bansa, at ginipit ang negosyo, hindi sila sumuko.”
Pagpapatuloy ni Leviste, naniniwala raw siyang magtatagumpay ang mga nagsasalita patungkol sa korapsyon katulad umano ng ginawa ng mga nauna sa kanila sa panahon noong Martial Law.
“Ako po ay naniniwala na ang mga nagsasalita ngayon ay magtatagumpay rin laban sa korapsyon katulad ng mga nauna sa atin at ang mga nananatiling tahimik ay maaalala bilang kasabwat sa pinakamalaking korapsyon sa kasaysayan ng ating bansa,” ‘ika niya.
“Umaasa rin po ako na ang mga nagsasalita tungkol sa korapsyon sa gobyerno ay poprotektahan ng taumbayan at gagamitin nila ang pagkakataon upang ibahagi ang katotohanan para sa kinabukasan ng ating bayan,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: Rep. Leviste, sinupalpal mga nagpakalat na may ‘plagiarism issue’ siya noong college
MAKI-BALITA: 'Kung papatayin n'yo ako, lalabas lahat ng ginawa n'yo sa DPWH!'—Rep. Leandro Leviste
Mc Vincent Mirabuna/Balita