Arestado ang isang lalaki matapos mamaril ng Grade 12 students na umano'y pinagtripan ang pagpindot sa doorbell ng kaniyang bahay sa Lipa City, Batangas.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News nitong Martes, Enero 27, Brgy. pinaulanan ng bala ng suspek ang nasa anim na kabataang lalaking nasa Grade 12, matapos umanong pindutin ng isa sa kanila ang doorbell ng bahay niya sa Brgy. Marauoy.
Ang mga nabanggit na estudyante naman ay may sinundo raw na isang kasama.
Hindi umano nagustuhan ng suspek ang ginawa ng grupo ng kabataan, kaya nang bumalik sila para ihatid na sa bahay ang sinundong kasama gamit ang isang kotse, dito na raw sila pinaputukan ng suspek gamit ang kalibre 45 baril.
Tinamaan ng mga bala ang kotse at humarurot naman daw ang driver ng sasakyan palayo. Sa kabutihang-palad, wala namang natamaan sa anim na estudyante.
Nahuli naman ang suspek sa isinagawang follow-up operation at nabawi sa kaniya ang ginamit na baril. Nahaharap naman daw ang suspek sa mga kasong child abuse at attempted murder.