January 27, 2026

Home BALITA Probinsya

Pekeng dentista, arestado sa serbisyong 'DIY braces' sa Batangas

Pekeng dentista, arestado sa serbisyong 'DIY braces' sa Batangas
Photo courtesy: Freepik


Timbog ang isang pekeng dentista sa Malvar, Batangas matapos umano itong magsagawa ng hindi rehistrado at ilegal na pagkakabit ng Do-It-Yourself (DIY) braces sa kaniyang mga kliyente.

Ayon sa mga ulat, mismong sa apartment lamang ng suspek isinasagawa ang mga operasyon, na pawang hindi lisensyado.

Nasakote ang suspek sa isinagawang entrapment operation ng pulisya kamakailan, matapos silang magpanggap bilang mga customer.

Base pa sa imbestigasyon, walang background sa “dental medicine” ang suspek, at natutunan lamang daw niya ang pagkakabit ng braces matapos manood ng videos online.

Binili lang din niya sa online ang dental equipment na kaniyang ginagamit sa pagkakabit ng braces, at mayroon din umano siyang kinukuhaan sa Batangas—na binibilihan niya nang patago.

Posibleng humarap sa reklamo ang suspek matapos niyang labagin ang “Republic Act (RA) 9484 o “Philippine Dental Act of 2007,” na may kaugnayan sa RA 10175 o “Cybercrime Prevention Act of 2012.”

Matatandaang kamakailan, nalambat din ng mga awtoridad ang dalawang pekeng dentista mula sa probinsya ng Sorsogon at Cagayan de Oro City, dahil sa kanilang “unauthorized dental services.” 

MAKI-BALITA: 2 pekeng dentista, timbog sa Sorsogon, CDO-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA