January 27, 2026

Home BALITA Probinsya

PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3

PBBM, nag-utos ng ‘full-blown investigation’ sa M/V Trisha Kerstin 3
Photo courtesy: Presidential Communications Office (FB), Marine Traffic (website)

Iniutos na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsasagawa ng “full-blown investigation” sa trahedyang paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 noong Lunes, Enero 26. 

Sa press briefing ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez nitong Martes, Enero 27, inanunsyo niya na layon ng magiging imbestigasyon na alamin ang mga naging pangyayari na nagdulot ng maraming pagkawala at pagkasawi ng ilang mga pasahero at crew na lulan ng M/V Trisha Kerstin 3.

“Ang utos po ng Pangulo, magkaroon tayo ng full-blown investigation. Kailangan po natin ito para malaman po natin lahat ng anggulo kung ano ba talaga ang nangyari at kailangan din po natin malaman ang pananagutan ng lahat ng panig, mapa-gobyerno man o ship owner,” saad ni Lopez. 

Aniya pa, yayariin at sisibakin ang sinumang mapapatunayang may pagkukulang sa naging trahedya. 

Probinsya

Lalaking nambuhos ng mainit na kape sa jowa, sugatan matapos tagain at gantihan

“Kung lalabas po sa imbestigasyon na mayroong pagkukulang ang gobyerno, makakaasa po kayo na yayariin at sisibakin, we will file appropriate cases against the government. We are exacting accountability,” ani Lopez.

“Ganoon din po sa panig ng ship owner. Kung lalabas sa imbestigasyon na mayroon silang pagkukulang, we will expect the full force of the law,” dagdag pa niya. 

Binanggit din ni Lopez na pagdating sa maritime safety, ang kapakanan ng publiko ay prayoridad, pangalawa na lamang ang sinasabing “business consideration” dito. 

“Parati pong inuulit ng ating mahal na Pangulo, pagdating sa maritime safety, that is not negotiable, that is not optional. And ‘yong sinasabi nating ‘business considerations,’ that is only secondary. Maritime safety will always be the paramount and primordial concern,” saad ni Lopez. 

Direktiba naman ng Kalihim sa marina ang pagsusumite ng kumpletong maritime safety audit ng lahat ng domestic fleet sa bansa at ang grounding ng Aleson Shipping Lines, na nagmamay-ari sa M/V Trisha Kerstin 3. 

“Inatasan ko rin po ang marina to submit the complete maritime safety audit ng entire domestic fleet dito sa Pilipinas, full inventory po ‘yan. I-announce din namin, now, we are grounding the entire passenger fleet of Aleson Shipping Lines,” anunsyo ni Lopez. 

“And I’m asking marina to conduct a maritime safety audit, together with [the] Philippine Coast Guard, kasama ang inspection, hindi lamang ng kanilang barko, kasama na rin ang kanilang crew,” dagdag pa niya. 

Ang nasabing maritime safety audit ay isasagawa raw ng marina at PCG sa loob ng 10 araw at tiniyak ni Lopez na ang magiging tugon ng ahensya ay base sa lalabas na imbestigasyon at safety audit. 

Inanunsyo rin ni Lopez na sa kasalukuyan, umabot na sa 18 ang bilang ng mga nasawi mula sa paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3, kabilang dito ang isang sanggol. 

Mayroon pa rin daw 10 na patuloy hinahanap, kabilang dito ang 8 tripulante, ang kapitan ng barko, at isang PCG marshall. 

Sa pagtatapos ng press briefing, ipinaabot ni Lopez ang pakikiramay ni PBBM at buong pamahalaan sa mga nasawi at mga pamilya nito mula sa trahedya. 

“Nakakalungkot talaga. Muli, pinaparating po namin ang pakikiramay ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. [at] ng buong pamahalaan sa mga nasawi po sa trahedya,” pakikiramay ng Kalihim. 

Matatandaang naiulat ang paglubog ng M/V Trisha Kerstin 3 noong madaling araw ng Enero 26, sa Baluk-Baluk Island, Basilan. 

Ang nasabing sasakyang-pandagat ay nanggaling sa Zamboanga City at nakatakdang magtungo sa Jolo, Sulu.

Lulan nito ang 332 pasahero at 27 crew members. 

MAKI-BALITA: ‘Search and rescue’ isinasagawa sa lumubog na RORO; may 332 pasahero

Noon ding Enero 26, nagpaabot ng kanilang pakikiramay ang Aleson Shipping Lines sa mga nasawi at mga naiwang pamilya nito. 

Ipinaliwanag din nila dito ang agad nilang pagkilos nang matanggap nila ang distress call mula sa M/V Trisha Kerstin 3. 

MAKI-BALITA: Shipping line ng lumubog na M/V Trisha Kerstin 3, nakiramay sa mga kaanak ng kanilang mga pasahero

Sean Antonio/BALITA