Lubos ang naging pagsisisi ng mag-live in partner nang makalaboso sila sa kanilang mga serye ng pagnanakaw sa Antipolo City, Rizal, kamakailan.
Base sa ulat ng ABS-CBN News noong Lunes, Enero 26, halos magkakasunod na apat na araw ng pagnanakaw ang nakuhanan sa mga CCTV ng iba’t ibang establisyimento sa Rizal.
Ang una ay naitala noong Enero 19, sa isang coffee shop, kung saan nakuha ang cellphone ng isang staff.
“Palakad-lakad po sila sa shop namin, pabalik-balik po sila. Siguro ilang days na po namin sila na sobrang sweet po nila, tandem po silang dalawa,” saad ng staff na nakuhanan ng cellphone.
Noon namang Enero 20, nakuhanan ang dalawa sa isang tindahan, kung saan isang cellphone ang nakuha nila; Enero 21, magkaakbay ang mag-live in partner na lumapit sa isang karinderya, kung saan tinangay nila ang tip box rito.
Panghuli ay noong Enero 24, sa isang convenient store, kung saan isang cellphone ulit ang natangay nila, mula naman sa nakaparadang rider.
Ayon sa mga awtoridad ng Brgy. San Isidro, Rizal, isang concerned citizen ang nagreport sa pagtatalo ng dalawa mula sa inuupahang bahay nila sa Sitio Tanglaw noong umaga ng Enero 25.
Nang puntahan raw ng mga tanod, imbes na kumalma, mas naging agresibo pa raw ang mga ito kaya inaresto nila.
Pagdating sa barangay, doon pa lamang daw nila nakilala ang mag-partner bilang mga suspek sa pagnanakaw.
Ayon sa may-ari ng nanakawang coffee shop, plano nilang magsampa ng kaso sa dalawa para magtanda ang mga ito.
Kaya ng magkahiwalay na makapanayam ang dalawa mula sa piitan nila, lubos ang naging pagsisisi nila.
“Gipit lang po, wala lang pong trahabo. Humihingi po kaming pasensya sa mga nagawa po naming kasalanan,” saad ng lalaki.
“Dala lang po siguro ng dahil walang-wala. Magkasama po kami kahit walang-wala kami. Di naman po talaga namin ginusto na gawin ‘yong ganoong bagay. Nag-usap po kami, pagkalabas na pagkalabas dito, maghahanap siya ng trabaho na maayos,” saad naman ng babae.
Aniya pa sa panayam, nami-miss raw niya ang partner ngunit wala na siyang magawa.
Sean Antonio/BALITA