January 27, 2026

Home FEATURES Balitang Pag-Ibig

Misis na naglantad sa 'landian' ng mister at kabit, pinag-sorry ng korte!

Misis na naglantad sa 'landian' ng mister at kabit, pinag-sorry ng korte!
Photo courtesy: Freepik

Sa Pilipinas, itinuturing na malaking isyu at eskandalo ang usapin ng pagtataksil sa pagitan ng magkasintahan o mag-asawa.

Dahil mataas ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa pamilya at katapatan sa relasyon, mabilis na nagiging sentro ng atensyon ang mga kaso ng cheating, lalo na kapag isiniwalat sa publiko.

Karaniwan itong nagiging laman ng maiinit na diskusyon sa social media, minsan, nagkakalabasan pa ng screenshots ng resibo o ebidensya ng panloloko, at sa ilang pagkakataon, umaabot pa sa balita at public affairs programs partikular kapag sangkot ang kilalang personalidad o may kasamang matitinding alegasyon.

Sa China, usap-usapan ang isang misis na inatasan ng korte na humingi ng paumanhin sa kaniyang mister matapos umanong masira ang reputasyon nito dahil sa mga ibinahagi niyang posts tungkol sa pagtataksil ng lalaki.

Balitang Pag-Ibig

Babae, naghimatay-himatayan para 'di hiwalayan ng jowa niya

Batay sa ulat ng South China Morning Post nitong Lunes, Enero 26, ang babae ay sinasabing mahigit isang dekada nang kasal sa kaniyang asawa, at mayroon silang isang anak na babae.

Ayon sa misis, nadiskubre niyang may limang taon nang relasyon ang mister sa isang katrabaho nito sa minahan ng karbon; isang babaeng may asawa rin.

Ibinunyag ng misis na ginamit umano ng mister ang kanilang pinagsamang ari-arian upang bilhan ng alahas, pampaganda, at mamahaling damit ang kaniyang kabit; isang rebelasyong lalo pang nagpaigting sa kaniyang galit at pagkadismaya.

Dala ng emosyon, nag-post ang misis sa social media platform na "Douyin" (Chinese counterpart ng TikTok), kung saan inilantad niya ang umano’y relasyon, kabilang ang mga detalye ng pinagtatrabahuhan ng magkalaguyo.

Nagbahagi rin siya ng isang kuwentong may halong panunuya tungkol sa pagtataksil ng kaniyang asawa, gamit ang matatalim at mapanuyang salita.

Hindi nagtagal, nagsampa ng kaso ang mister sa misis dahil sa paninirang-puri. Sa desisyon ng korte, iginiit na ang personal na pagkukulang sa moral, tulad ng pagtataksil, ay hindi sapat na dahilan upang labagin ang karapatan at reputasyon ng isang tao.

Bilang hatol, inatasan ang misis na maglabas ng public apology sa loob ng 15 magkakasunod na araw, kung saan ang bawat video ay kailangang aprubahan muna ng korte bago i-post.

Sa ilalim ng batas ng China, ang paninirang-puri ay may kaakibat na pananagutang sibil, kabilang ang paghingi ng tawad, pagtigil sa mapanirang gawain, at posibleng pagbabayad ng danyos.

Simula Enero 12, araw-araw umanong naglabas ng apology videos para sa nagtaksil na mister ang misis. Subalit imbes na karaniwang paghingi ng tawad, ginamitan niya ito ng irony, bagay na agad umani ng atensyon ng publiko.

"You and your mistress are clearly in true love. Even with your serious moral flaws, your personal rights and reputation deserve respect," isa sa mga pahayag ng misis.

Hindi rin naiwasan ng misis na magbahagi ng mga ebidensiya, tulad ng mga chat record, resibo ng padala ng pera, at maging litrato ng sugat sa ulo ng mister matapos umano itong bugbugin ng asawa ng kaniyang kalaguyo.

Sa isa pang video, ipinakita naman ng misis ang sarili niyang mga sugat na ayon sa kaniya ay resulta ng karahasang naranasan niya sa loob ng tahanan.

Dahil sa kakaibang paraan ng paghingi ng tawad, mabilis na nag-viral ang mga video ng misis na umabot sa milyon-milyong views at likes, at nagbigay sa kaniya ng higit 350,000 followers sa loob lamang ng ilang araw. Bumuhos din ang suporta sa comment section.

Hindi naman malinaw kung tuluyan na bang nagdiborsyo ang mag-asawa matapos ang kasuhang nangyari sa kanilang dalawa.