January 27, 2026

Home BALITA National

Matapos maiangat sa Kamara ang impeachment complaints: Palasyo, hahayaan ang proseso na naaayon sa batas

Matapos maiangat sa Kamara ang impeachment complaints: Palasyo, hahayaan ang proseso na naaayon sa batas
Photo courtesy: RTVM/YT, HOR/FB


Tahasang ipinahayag ng Malacañang na hahayaan nilang gumulong ang proseso ng dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nang naaayon sa batas na umiiral sa Pilipinas.

Kaugnay ito sa dalawang verified impeachment complaints kontra sa Pangulo, na pormal nang isinangguni sa Kamara noong Lunes, Enero 26.

KAUGNAY NA BALITA: Solon, naghain ng impeachment complaint vs PBBM sa Kamara!-Balita

Sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Enero 27, sinabi ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na ginagalang ni PBBM ang mga desisyon at aktibidad ng Kamara.

“Ginagalang po ng Pangulo kung anuman po ang activities, ginagawa, at mga desisyon po ng House of Representatives (HOR)—so hayaan po natin ang proseso na umandar, na naaayon sa batas,” saad ni Castro.

Sumang-ayon din ang press officer nang siya ay matanong kaugnay sa mga impeachment complaint, na tila paraan umano upang atakihin ang kasalukuyang administrasyon.

“In a way, yes, dahil sabi po natin, ang anumang pagsasampa ng impeachment complaint ay hindi lang ang Pangulo ang maaapektuhan—kung hindi mismo ang bansa at ang ekonomiya,” anang press officer.

Iginiit din niya na hindi magiging hadlang ang nasabing impeachment complaints upang masolusyunan ang ilang isyu ng bansa. 

“Unang-una po, itong mga impeachment complaint na naisampa laban sa Pangulo ay hindi po mapapahinto—hindi po mapapatigil ang Pangulo sa patuloy niyang pagtatrahaho para iangat ang buhay ng bawat Pilipino, aniya.

“Kung kinakailangan po, at sinasabi na dapat na magbigay ng anumang dokumento, muli ang Pangulo po ay gumagalang sa proseso,” pagtatapos niya.

Ayon sa pinakahuling ulat, posible umanong simulan sa unang tatlong araw ng Pebrero ang “initial hearings” kaugnay sa impeachment complaint na inihain sa Pangulo, upang mabigyan daw ng sapat na panahon at atensyon.

Vincent Gutierrez/BALITA