Sumakabilang-buhay na sa edad na 78 ang beteranong aktor na si Raoul Aragon noong Huwebes, Enero 22, sa Downey, California, USA.
Habang hindi nabanggit ang kadahilanan ng pagkasawi ni Raoul, ang nakakalungkot na ulat ay base sa kumpirmasyon ng kaniyang anak sa media noong Lunes, Enero 26.
Ayon pa sa nasabing pahayag, ang mga labi ng aktor ay iuuwi sa Pilipinas, kung saan isang viewing at memorial service ang nakatakdang isaayos para sa bisitahin ng mga kaanak at mga kaibigan niya.
Sino nga ba si Raoul Aragon?
Si Raoul ay kilalang aktor sa bansa noong mga dekada 1970s at 1980s, kung saan ang pinakakilala niyang pelikula ay ang “Ina ka ng Anak Mo” kasama sina Nora Aunor at Lolita Rodriguez noong 1979.
Sa higit 100 pelikula pang kinabilangan ni Raoul sa karera niya bilang aktor, kasama rin dito ang “Pasan ko ang Daigdig (1987),” “Girls (1984),” “Whiteforce (1988),” at “McBain (1991).”
Bukod pa rito, si Raoul ay kinilala bilang Best Actor sa 1979 Metro Manila Film Festival (MMFF).
Siya rin ay naging Gawad Urian Best Actor nominee noong 1980 dahil din sa paggampan niya sa pelikulang “Ina ka ng Anak Mo.”
Sean Antonio/BALITA